MANILA, Philippines — Muling iginiit ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na wala siyang planong tumakbo sa anumang mas mataas na posisyon sa darating na 2028 National Elections at nakatuon lamang siya sa pagpapatuloy ng kanyang programa para sa mga Manilenyo.
Ginawa ni Domagoso ang pahayag sa ginanap na Kapihan ng Samahang Plaridel sa Rizal Park Hotel nitong Biyernes, kung saan tahasan niyang sinabi na nais niyang tapusin ang tatlong termino bilang alkalde ng Maynila.
“Todits na lang ako sa gedli,” ani Domagoso kasabay sa panawagan sa mga dilawan, pinklawan, DDS o anumang kulay na welcome umano sila sa Maynila at hinikayat na tumulong sa lungsod upang maging matagumpay ang kanilang bisyon para sa mga Manilenyo.
Ayon sa alkalde, hindi pulitika kundi serbisyo publiko ang kanyang pangunahing prayoridad sa kasalukuyan. Aniya, nakatutok ang kanyang administrasyon sa pagsusulong ng MBN o Minimum Basic Needs Program na nakasentro sa apat na mahahalagang sektor—edukasyon, kalusugan, pabahay at trabaho.
Sinabi ni Domagoso na layunin ng programa na tiyaking natutugunan ng pamahalaang lungsod ang mga pangunahing pangangailangan ng mga residente upang mapabuti ang kanilang kalidad ng buhay.
Binigyang-diin din niya na bukas ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang grupo at personalidad anuman ang kanilang kulay o paniniwalang pampulitika, basta’t ang layunin ay makatulong sa kapakanan ng mga Manilenyo.
Sa kabila ng mga espekulasyon hinggil sa kanyang posibleng pagtakbo sa pambansang posisyon sa hinaharap, tiniyak ni Domagoso na ang kanyang buong atensyon ay nakatuon sa pagpapatupad ng mga programang magbibigay ng konkretong benepisyo sa mga residente ng kabisera. JAY Reyes