Home HOME BANNER STORY Higit 1,700 litro ng nakumpiskang diesel, ipinagkaloob ng BOC sa Coast Guard...

Higit 1,700 litro ng nakumpiskang diesel, ipinagkaloob ng BOC sa Coast Guard Bicol para sa pinalakas na sea patrol

5
0

MANILA, Philippines – Nasa 1,783 litro ng nakumpiskang diesel fuel ang ipinagkaloob ng Bureau of Customs (BOC) sa Philippine Coast Guard (PCG) upang palakasin ang kakayahan nito sa pagpapatrolya at pagpapatupad ng batas sa karagatan ng Coast Guard District Bicol.

Pormal na isinagawa ang turnover ceremony noong Hunyo 16, 2026, bilang bahagi ng patuloy na pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan sa pagpigil sa smuggling, human trafficking, at iba pang ilegal na aktibidad sa karagatan.

Nagmula ang ipinagkaloob na diesel sa mga hindi markadong produktong petrolyo na nasabat sa isang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue (BIR). Alinsunod sa Section 1141 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), maaaring ipamigay sa ibang ahensya ng gobyerno ang mga nakumpiskang kalakal matapos aprubahan ng Kalihim ng Pananalapi.

Ayon sa BOC, nakuha ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang kinakailangang pag-apruba mula sa Department of Finance para magamit ng Coast Guard ang nakumpiskang diesel sa kanilang operasyon.

Sinabi ni Legazpi District Collector Guillermo Pedro A. Francia IV na mahalagang katuwang ng Bureau of Customs ang Coast Guard District Bicol sa pagpapatupad ng mga batas pang-adwana at pagsugpo sa mga gawaing lumalabag sa batas sa karagatan.

“As a deputized agency of the Bureau of Customs, ang Coast Guard District Bicol ay isa sa aming pangunahing katuwang sa pagpigil sa smuggling at human trafficking. Ang fuel allocation na ito ay makatutulong upang mapalakas pa ang kanilang sea patrols, disaster response, at maritime law enforcement operations sa buong Rehiyon ng Bicol,” ani Francia.

Nagpasalamat naman ang Philippine Coast Guard sa natanggap na donasyon at sinabing malaking tulong ito upang mapanatili ang kanilang mga patrol, inspeksyon, at emergency response operations.

Ayon sa PCG, ang karagdagang suplay ng diesel ay magpapalakas sa kanilang kakayahang bantayan ang mga rutang pandagat ng bansa, hadlangan ang mga ilegal na gawain, at tiyakin ang mas ligtas at episyenteng operasyon ng mga pantalan na mahalaga sa paglago ng ekonomiya.

Binigyang-diin ng BOC na ang hakbang ay bahagi ng kanilang Integrity, Accountability and Modernization (IAM) Movement at nakaayon sa direktiba ni Pangulong  na paigtingin ang seguridad sa hangganan ng bansa, sugpuin ang smuggling, at palakasin ang koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan.

Sa pamamagitan ng programa, tiniyak ng BOC na ang mga nakumpiskang kalakal ay magagamit sa mga layuning makapagpapalakas ng serbisyo publiko at pambansang seguridad. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here