Home NATIONWIDE PBBM, nanawagan ng united action sa pagprotekta sa kabataan, pagtigil ng karahasan...

PBBM, nanawagan ng united action sa pagprotekta sa kabataan, pagtigil ng karahasan sa paaralan

1
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa kolektibong pagsisikap para pangalagaan ang mga kabataan at pigilan ang school-related violence kung saan nasasangkot ang mga menor de edad.

Sa kanyang vlog, inilarawan ni Pangulong Marcos ang patuloy na karahasan sa mga eskuwelahan bilang “heartbreaking and horrifying,” sabay sabing nagbibigay ito ng mensahe na palakasin ang mga hakbang sa kaligtasan para protektahan ang mga mag-aaral mula sa kasamaan.

“Ngayong araw, hindi lamang bilang Pangulo ang aking pananalita kundi bilang isang ama, bilang kapwa Pilipino at bilang isang taong lubos na nag-aalala sa kaligtasan ng ating mga anak,” ayon sa Pangulo.

“Kailangan maprotektahan ang ating mga kabataan. Maprotektahan laban sa karahasan. Maprotektahan laban sa kapabayaan. Maprotektahan laban sa panganib. At maprotektahan laban sa mga tahimik at pinagdaraanan at pasaning dinadala ng marami sa kanila,” aniya pa rin.

Dahil dito, inatasan niya ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na magsagawa ng mas malakas na hakbang para matiyak ang ligtas at seguridad ng mga mag-aaral.

Hinikayat din niya ang mga guro na ganap na gampanan ang mga tungkulin hindi lamang bilang isang guro kundi maging isang mentors at counselors, lalo na para sa mga estudyante na maaaring mayroong mental health concerns.

“Ang paaralan ay dapat maging lugar ng pagkatuto, pangarap at pag-unlad, hindi lugar kung saan nangangamba ang mga magulang para sa kaligtasan ng kanilang mga anak,” ang winika ng Pangulo.

“Dapat rin tiyakin ng mga paaralan na mahigpit na nasusunod ang mga panuntunan sa kaligtasan, sa loob man ng silid-aralan, sa mga field trip, training camp, o iba pang mga gawain pang eskwela,” dagdag na pahayag nito.

Kaya nga umapela si Pangulong Marcos sa mga magulang na maglaan ng oras at panahon na kausapin ang kanilang anak at i-tsek ang kanilang mga anak.

“Hindi sapat ang pagkilos ng pamahalaan lamang. Dapat manatiling aktibong bahagi ng buhay ng kanilang mga anak, ang mga magulang,” anito.

“Sa mga magulang naman, huwag maliitin ang halaga ng isang simpleng pag-uusap kasama ang inyong anak. Minsan, ang pinakamahalagang proteksyong maibigay natin sa ating mga anak ay ang ating oras, atensyon at pag-unawa,” ang sinabi pa rin ni Pangulong Marcos.

Sa kabilang dako, hinikayat naman ni Pangulong Marcos ang mga mag-aaral na nahaharap sa depresyon, at iba pang personal struggles na humingi ng tulong, sabay sabing kapag ginawa ito ay “never a sign of weakness.”

Batid naman ng Pangulo na ang mga usapin gaya ng bullying, ay maaaring kabilang sa mga dahilan na nakapag-aambag sa karahasan sa eskuwelahan.

“Ayon sa mga paunang ulat, posibleng may kaugnayan sa bullying ang mga pangyayari. Isang bagay na kinakaharap ng maraming kabataan ngayon, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Sa bawat estudyante na nanonood ngayon, mahalaga ang inyong buhay. Mahalaga ang inyong mga pinagdadaanan. At ang paghingi ng tulong ay hindi kailanman tanda ng kahinaan,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here