BURGOS, Isabela – Isang 42-anyos na mister ang naaresto matapos umanong tutukan ng baril ang isang 17-anyos na dalagita dahil lamang sa pagtanggi nitong pautangan ng P100.00 sa Brgy. Raniag, Burgos, Isabela.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Ico,” isang magsasaka at residente ng Brgy. San Antonio Cabesera 2, City of Ilagan.
Batay sa ulat, humiram umano ng P100 ang suspek sa biktimang si alyas “Kim,” 17-anyos. Nang tumanggi ang dalagita na magpautang, nagalit umano ang suspek na nasa impluwensya ng alak at kumuha ng isang kalibre .45 na baril mula sa kanyang backpack at itinutok ito sa biktima.
Dahil sa takot, agad na tumakbo ang dalagita at humingi ng tulong sa kanyang kapatid.
Kaagad ding humingi ng saklolo ang magkapatid sa mga opisyal ng barangay na siyang nakipag-ugnayan sa Burgos Police Station upang maiulat ang insidente.
Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga operatiba ng Burgos Police Station, katuwang ang Gamu Municipal Police Station, matapos matukoy na nagtungo ang suspek sa Barangay Pintor, Gamu, Isabela.
Sa isang palayan sa naturang barangay, positibong kinilala ng biktima ang suspek na responsable sa insidente.
Narekober din ng mga pulis ang isang kalibre .45 na pistol na walang tatak at serial number.
Pansamantala nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at ang nakumpiskang baril para sa kaukulang dokumentasyon habang inihahanda na ang kasong Grave Threat at paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (REY VELASCO)