Home TOP STORIES Bilang ng nasawi sa lindol sa Venezuela, umabot na sa 1,430

Bilang ng nasawi sa lindol sa Venezuela, umabot na sa 1,430

3
0

CARACAS, Venezuela – Umabot na sa 1,430 ang bilang ng mga namatay sa magkakasunod na lindol sa Venezuela, habang milyon-milyong tao ang nangangailangan ng malinis na tubig, sanitasyon, at iba pang pangunahing pangangailangan.

Patuloy ang paghahanap sa mga nawawala habang sinusubukan ng mga residente at rescue teams na maghanap ng mga nakaligtas sa ilalim ng mga gumuhong gusali. Ayon sa mga eksperto, mahalaga ang unang 72 oras matapos ang sakuna upang makahanap ng mga buhay pa.

Nasagip naman nang buhay ang isang sanggol sa La Guaira, 32 oras matapos ang magnitude 7.2 at 7.5 na lindol.

Ayon sa United Nations (UN), hanggang 6.76 milyong tao ang maaaring naapektuhan at nangangailangan ng emergency shelter, malinis na tubig, sanitasyon, serbisyong pangkalusugan, at iba pang tulong.

Iniulat din na 3,238 ang sugatan, habang tinatayang umabot sa $6.7 bilyon ang pinsala sa imprastraktura.

Dumating na rin ang mga unang aid flight mula sa Estados Unidos. Magpapadala ang US ng mahigit 250 disaster response personnel, kabilang ang tatlong search-and-rescue teams na may mga asong sinanay sa paghahanap ng mga taong natabunan ng guho. Sa kabuuan, 21 bansa ang nagpapadala ng rescue teams upang tumulong sa operasyon.

Samantala, maraming residente ang nagpahayag ng pagkadismaya sa mabagal na pagtugon ng mga awtoridad. Kinakailangan din umano ng permit bago makapasok ang mga boluntaryo sa mga apektadong lugar upang tumulong sa rescue operations.

Kabilang sa mga nasawi ang 28 Portuguese, limang Spaniards, dalawang Brazilians, pitong Chinese, isang Chilean, isang Italian-Venezuelan, at isang Uruguayan. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here