CEBU, Philippines – Nagtalaga ang pamahalaang panlalawigan ng Cebu ng 2,516 security personnel sa 1,567 paaralan at unibersidad upang palakasin ang seguridad matapos ang nakamamatay na pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Ayon kay Cebu Police Provincial Office Director PCol. Abubakar Udang Mangelen Jr., kabilang sa mga itinalaga ang mga security guard, miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Teams, at iba pang tauhan na magbabantay sa mga paaralan.
Inaprubahan din ng Provincial Peace and Order Council (PPOC) ang mga hakbang tulad ng mga kampanya laban sa krimen, bullying, gang, ekstremismo, at radicalization para sa mga guro, estudyante, at magulang. Inatasan din ang mga paaralan na maglagay ng mga emergency hotline.
Nag-utos din si Gobernador Pamela Baricuatro na magtatag ng anti-bullying hotline at bumuo ng Cebu Safe Schools Committee upang pangasiwaan ang mga programa sa kaligtasan ng mga paaralan.
Sa ilalim ng Cebu Safe Schools Program, obligado ang mga paaralan na magpatupad ng mas mahigpit na security protocols, kontroladong pagpasok sa campus, visitor management system, at regular na fire, earthquake, at lockdown drills, pati na rin ang taunang safety assessment. RNT/MDS