Home METRO 60,000 batang Manileño, makikinabang sa pinalawak na YorMilk 2.0 Program ng Manila...

60,000 batang Manileño, makikinabang sa pinalawak na YorMilk 2.0 Program ng Manila LGU

3
0

MANILA, Philippines — Pinalawak ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang programang milk feeding para sa mga mag-aaral matapos ilunsad ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang “YorMilk 2.0: Kaagapay ng Batang Maynila sa Paglaki” nitong Lunes, Hunyo 29, sa Dr. Alejandro Albert Elementary School sa Sampaloc.

Mula sa mahigit 21,000 benepisyaryo noong unang yugto ng programa, aabot na sa 60,000 estudyante ang makatatanggap ng libreng gatas sa ilalim ng YorMilk 2.0.

Ayon kay Domagoso, bahagi ito ng pagsisikap ng lungsod upang tugunan ang suliranin ng malnutrisyon at stunting sa mga bata, na nananatiling hamon sa bansa batay sa datos ng Department of Health (DOH).

“Hindi na puwedeng itanggi at ikubli ang katatayuan ng ating bansa patungkol sa malnutrisyon. Huwag nang ikubli, huwag nang itanggi. Harapin natin, labanan natin,” pahayag ng alkalde.

Sinabi rin ni Domagoso na titiyakin ng programa ang tuloy-tuloy na pag-inom ng gatas ng mga bata mula daycare hanggang kindergarten at Grade 1. Dagdag pa niya, direktang kinukuha ng lungsod ang suplay ng gatas mula sa mga lokal na dairy farmer upang makatulong din sa kanilang kabuhayan.

Samantala, sinabi ni National Dairy Authority (NDA) Administrator Atty. Marcus Antonius T. Andaya na malinaw na patunay ng tagumpay ng unang YorMilk program ang pagtaas ng bilang ng mga benepisyaryo mula 21,000 tungo sa 60,000.

“Nung YorMilk 1 po, nakadalo din po kami. Nakita namin kung gaano ka-successful ang YorMilk 1 with 21,000 student beneficiaries. Ngayon, tumaas na ng 60,000 ang makakatanggap nitong milk feeding program sa ating mga bata,” ani Andaya.

Ibinahagi rin ni Andaya na naging benepisyaryo siya ng kahalintulad na milk feeding program noong siya ay nasa Grade 3 pa lamang, dahilan upang lalo niyang pahalagahan ang kahalagahan ng ganitong inisyatiba para sa mga kabataan.

Ayon pa sa opisyal, malaking tulong ang programa sa mga lokal na dairy farmer na dati ay nahihirapang maibenta ang kanilang mga produkto kapag natatapos ang mga feeding program ng gobyerno.

Aniya, tinupad ni Moreno ang pangakong bibili ng gatas mula sa mga magsasaka at ipamamahagi ito sa mga batang Manileño upang matiyak na parehong makikinabang ang sektor ng agrikultura at edukasyon sa programa.

Sa pamamagitan ng YorMilk 2.0, inaasahan ng pamahalaang lungsod na mapabuti ang kalusugan at nutrisyon ng libu-libong batang Manileño habang pinapalakas ang suporta sa lokal na industriya ng paggagatas. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here