MANILA, Philippines – Naghain ng isang manipestasyon sa Korte Suprema ang grupong PISTON bilang tugon sa naunang direktiba ng hukuman na ipaliwanag kung ang kanilang petisyon laban sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ay maituturing nang ‘moot’ o wala nang saysay dahil pinalitan ng DOTR Department Order 2023-022 ang DOTR Department Order 2017-011 o ang Omnibus Franchising Guidelines.
Ang guidelines ay dati nang nagsasabing patakaran nagpapatuloy ng PUVMP bago nagkabisa ang DO 2023-022.
Giit ng PISTON, hindi pa dapat ibasura o ideklarang moot ang kanilang petisyon at hiniling na maglabas ang Korte Suprema ng Temporary Restraining Order laban sa sapilitang consolidation ng prangkisa sa ilalim ng PUVMP.
Binigyang-diin ng PISTON na nanatili silang tumututol sa programa at nanindigan na ibasura ang PUV modernization guidelines ng gobyerno na patuloy na nagpapahirap sa kabuhayan ng mga tsuper at operator.
Ayon sa grupo, halos tatlong taon bago sila hiningan ng Korte Suprema ng position paper at komento.
Naniniwala rin aniya ang kanilang samahan na dapat ibasura ang Modernization dahil halos isang dekada na ang pagpapatupad nito mula noong 2017 matapos pirmahan ang guidelines ng DOTR DO ngunit ‘palpak’ at hindi natutugunan sa kasalukuyang kalagayan, ang kinakaharap na suliranin ng mga public transport at jeepney.
Malinaw lamang umano na ang Korte Suprema ay dapat umaksyon at dapat desisyunan na ang petisyon na matagal na rin nilang nai-file sa Mataas na Hukuman.
Tumayong abogado ng PISTON si Atty. Maria Kristina Conti na kasama rin sa paghahain ng manipestasyon sa Korte Suprema. Jocelyn Tabangcura-Domenden