Home NATIONWIDE Testigo ng defense team, nagpapalakas ng kaso ng hidden wealth ni VP...

Testigo ng defense team, nagpapalakas ng kaso ng hidden wealth ni VP Sara – Garin

1
0

QUEZON CITY — inihayag ni House Deputy Speaker Janette L. Garin ng Iloilo na sa halip na makatulong kay Vice President Sara Duterte, lalo pang nagpalakas sa ebidensya ng prosekusyon ang mga testigo ng depensa.

Sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City ngayong Sabado, Nobyembre 14, sinabi ni Garin na ang mismong presentasyon ng depensa ay nagbunga ng mga sagot na pabor sa prosekusyon.

“Yung mga witnesses ng depensa ay nakapag-strengthen pa,” ani Garin.

Kinuwestiyon ni Garin kung ano ang napala ng depensa sa pagharap ng mga testigong iyon.

“So hindi mo alam kung talaga bang they were there to defend the respondent, yung ating ikalawang pangulo,” aniya. “Para lalong palakasin ang mga ebidensya laban sa ating pangalawang pangulo.”

Idinugtong din ni Garin ang isyu sa mga testigo mula sa bangko. Aniya, kung ang magiging testimonya ng mga bank officer ay kumpirmasyon lamang ng mga account at transaksyon na nabanggit na sa paglilitis, lalo lamang itong magbabalik ng atensyon sa financial transactions.

Ito aniya ay conditional scenario — kung kumpirmahin ng mga bank officer ang impormasyon mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).

“Ibabalik na naman natin ang usaping aggregate transaction of P4.4 billion labas, pasok, lipat,” giit ni Garin. Tinutukoy niya ang kabuuang galaw ng pondo na lumalabas, pumapasok at inililipat sa iba’t ibang account.

Binanggit din ni Garin ang Cale88, kung saan aniya ay may katanungan sa kita na idineklara sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at sa mga transaksyong lumabas sa rekord ng AMLC.

Ayon kay Garin, kailangang timbangin kung ano ang benepisyo ng pagharap ng mga testigong ang sagot ay kumpirmasyon lamang ng impormasyong pinansyal na nauna nang inilatag ng prosekusyon.

Kinuwestiyon niya kung may pakinabang pa ang karagdagang testimonya kung ang magiging resulta ay katulad ng aniya’y mga sagot na nakasama pa sa depensa noong unang linggo, na tumalakay sa property disclosures, bayad ng city government at corporate financial arrangements.

Sa pagtatasa ni Garin, sa halip na makabawas sa alegasyon, lalong nadiin si Duterte.

“Instead na tulungan ang ikalawang Pangulo ay lalo pa nilang diniin,” ani Garin. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here