MANILA, Philippines – Isang taong gulang na batang lalaki ang namatay makaraang masunog ang bahay nila sa natumbang sinindihang kandila ng dalawang kapatid nito sa Brgy Milagrosa, Carmona City, Cavite.
Ayon sa report ng BFP, natagpuang nakasubsob ang sunog na sunog na katawan ng biktima na kinilalang si Baby Tonying, isang taong gulang, residente ng lugar.
Base sa imbestigasyon, dakong alas 9:45 ng gabi nang sumiklab ang sunog sa mismong bahay ng mga ito.
Napag-alaman na natutulog si Baby Tonying ng iwan sandali ng ina nito na nagtungo sa kanilang kapitbahay upang mag-asikaso umano ng kanilang pagkain.
Bago umalis ang ina nito, ibinilin nito sa dalawa pang kapatid ng biktima na kapwa mga menor de edad ang natutulog na anak na bantayan at huwag iiwanan.
Linggid sa kaalaman ng ina na nagsindi ng kandila ang magkapatid at inilagay sa maliit na mesa sa kanilang kuwarto at lumabas ng bahay ang magkapatid upang maglaro.
Posibleng natumba ang nasabing kandila at tuluyang kumalat ang apoy na naging sanhi ng sunog at ikinamatay ng batang biktima.
Dahil sa light materials ang mga gamit at ang bahay ay mabilis na kumalat ang apoy hanggang tuluyang nasunog ang buong bahay kasama ang biktima.
Sa pagresponde ng Fire Protection (BFP) City Disaster Risk Reduction (CDRRMO) kaaagad na naapula ang apoy. MARGIE BAUTISTA