Home NATIONWIDE Selective memory nakakaapekto sa kredibilidad ng testigo ni VP Sara – Tolosa

Selective memory nakakaapekto sa kredibilidad ng testigo ni VP Sara – Tolosa

1
0

QUEZON CITY — Iginiit ni private prosecutor Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na isasaalang-alang ng mga senator-judge ang mga pag-amin ng mga testigo ni Vice President Sara Z. Duterte na hindi maalala ang ilang detalye at ang pabago-bagong sagot, sa pagtatasa ng kanilang kredibilidad.

Sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City ngayong Sabado, Nobyembre 14, ipinaliwanag ni Tolosa ang epekto ng tinawag niyang “selective memory” — naaalala ang ilang bagay pero hindi maalala ang iba.

“Depende yan sa tanong at kung dapat ba talagang maalala ng testigo yung bagay na yun,” ani Tolosa.

“If it’s so obvious na dapat maalala mo itong bagay na ito, hindi maalala, then it could really affect your credibility,” dagdag niya.

Ayon kay Tolosa, nakakaapekto rin sa pagtatasa ng testimonya kung pabago-bago ang sagot ng testigo.

“Kung medyo nag-flip-flop yung witness, then it goes into his credibility and truthfulness,” aniya.

Dahil dito, aniya, maaaring kuwestiyunin kung tapat at kapani-paniwala ang mga sagot ng testigo sa ilalim ng mga pangyayari.

“The senator-judges would consider them,” ani Tolosa, tukoy sa impeachment court na siyang makikinig at magtatasa sa mga testigo.

Tugon ito ni Tolosa sa tanong kung makikinabang ba ang isang akusado sa testimonya ng testigong paulit-ulit na nagsasabing hindi niya maalala ang ilang bagay. Aniya, nasa senator-judges ang huling pagtatasa.

Samantala, hiwalay na tinalakay ni Tolosa ang pag-atras ng depensa sa mga testigo mula sa bangko at ang saklaw ng bank records na hiningi ng prosekusyon.

Sinabi ni Tolosa na ang subpoena request ng prosekusyon para sa bank records nina Duterte at ng asawa nitong si Atty. Manases Carpio ay dapat kasama rin ang foreign currency deposits.

“Kasama ho dapat dyan sana yung foreign currency deposits,” aniya. “But hindi na ho yung napagbigyan ng korte.”

Dahil dito, aniya, peso accounts lamang ang sakop ng nakuha nilang deposit records.

Nilinaw din ni Tolosa na may mga foreign-currency transaction na makikita sa rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC). Ibinukod niya ito sa karagdagang bank deposit records na nais sanang siyasatin ng prosekusyon sa pamamagitan ng BPI witness, na kalaunan ay hindi na itinuloy ng depensa.

Sa kabila ng limitadong saklaw ng bank records, nanindigan si Tolosa na matibay pa rin ang ebidensyang pinansyal na nailatag na ng prosekusyon sa impeachment court. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here