Home NATIONWIDE Walang hidwaan sa pagitan ng Pinas, Tsina sa kabila ng parusa ng...

Walang hidwaan sa pagitan ng Pinas, Tsina sa kabila ng parusa ng Beijing, rhetoric laban kay Teodoro – Malakanyang

3
0

MANILA, Philippines – Walang hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina sa kabila ng mainit na pagpapalitan ng pahayag sa pagitan ni Philippine Defense Secretary Gilberto Teodoro at Chinese officials kaugnay sa West Philippine Sea (WPS).

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na pinananatili ng Pilipinas ang magandang relasyon nito sa Tsina.

Ito’y sa kabila ng babala ng Tsina kay Teodoro matapos sabihin ng huli ang pagtanggi ng Chinese Embassy sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) tungkol sa 2016 Arbitral Award ay nagpapakita ng “insincerity and duplicity” o kawalan ng sinseridad at pagiging mapanlinlang.

“Ang bansang China ay tumutupad sa kanilang batas at polisiya, ganoon din ang bansang Pilipinas. Si Sec. Gibo ay tumutupad lang sa kaniyang mandato bilang opisyal ng Pilipinas,” ayon kay Castro.

“Sa parte ng Pilipinas, itinuturing pa rin na maganda ang relasyon sa bansa ng China,” aniya pa rin.

“Hindi naman nagkakaroon ng rift o sigalot dahil sa mga mensahe ng ating Defense Secretary,” dagdag na pahayag ni Castro.

Nauna nang iginiit ng DFA na ang 2016 Arbitral Award ay pinal at may bisa, at kinondena ang patuloy na pagtanggi ng China na kilalanin ito.

Bilang tugon, sinabi ng Chinese Embassy na hindi nito kinikilala ang arbitration sa South China Sea at tinawag itong “a political manipulation in disguise.” Iginiit din nitong binaluktot umano ng Arbitral Award ang mekanismo ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Ayon kay Teodoro, ang pahayag ng embahada ay nagpapakita ng tunay na intensyon ng Chinese Communist Party sa pakikitungo sa Pilipinas.

“It clearly shows their insincerity and duplicity… We condemn the arrogant display of deceitful indignation by them.”

“Hindi kapanipaniwala ang mga sinasabi kaya idinadaan sa alboroto,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin din ni Teodoro na hindi magpapasindak ang Pilipinas.

“Hindi tayo pasisiil.”

“Ang pangulo po ang direktiba… Dapat daanin sa diplomatikong pamamaraan,” ang sinabi naman ni Castro.

“We can protect our rights, we can protect our interests in a diplomatic manner,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here