Home NATIONWIDE Pagsulong ng programa laban sa inflation, ipinagpapatuloy ng administrasyong Marcos

Pagsulong ng programa laban sa inflation, ipinagpapatuloy ng administrasyong Marcos

4
0

MANILA, Philippines – Patuloy ang mga ginagawang hakbang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.  upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa mga Pilipino kahit pa patuloy ang pagbaba ng inflation rate sa bansa.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang pagbaba ng inflation ay bunga ng pagsisikap ng administrasyon na mapatatag ang presyo ng mga bilihin.

Gayunman, hindi aniya maaaring maging kampante ang pamahalaan dahil nananatili pa rin ang epekto ng pandaigdigang krisis sa langis.

“Tama po na bumababa ang inflation rate, at iyan ay sa pagsisikap ng ating administrasyon at dahil iyan din ang nais ng ating Pangulo. Pero hindi tayo dapat magpakampante dahil mayroon pa po tayong kinakaharap na global oil crisis na hindi pa rin tuluyang humuhupa,” ani Castro.

Katunayan, patuloy aniyang nagpapatupad ang administrasyon ng mga programang naglalayong mapagaan ang pasanin ng mga pamilyang Pilipino, kabilang ang pagbibigay ng subsidiya sa gasolina para sa mga driver at operator ng mga public utility vehicles (PUVs), mga magsasaka, at mga mangingisda, alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Marcos.

Patuloy rin ang pagbibigay ng pamahalaan ng suporta sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng mga binhi, pataba, at iba pang farm inputs, gayundin ng financial assistance para sa maliliit na magsasaka upang matiyak ang sapat na produksiyon ng pagkain.

Tinukoy din ni Castro ang patuloy na operasyon ng mga KADIWA store, kung saan maaaring makabili ng mas murang gulay, isda at P20 kada kilo na bigas  habang patuloy namang tumatanggap ng tig-10 kilo ng bigas kada dalawang buwan ang milyun-milyong pamilyang Pilipino sa ilalim ng food assistance program ng administrasyon.

“Nandiyan din ang financial assistance para sa mga small-scale farmers natin. Pati ang KADIWA stores ay nagbibenta ng mas mura na bilihin tulad ng bigas, gulay, isda at ibang basic necessities. At nandiyan din ang pamimigay ng 10 kilos na bigas kada dalawang buwan sa milyun-milyong pamilyang Pilipino,” dagdag ni Castro.

Ayon kay Castro, nakatulong ang mga programang ito upang mabawasan ang epekto ng mataas na presyo ng mga bilihin sa mga kabahayan habang patuloy pa ang pagsisikap ng pamahalaan na higit pang mapababa ang inflation.

Tiniyak ni Castro na nananatiling determinado ang administrasyon na pababain ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa kabila ng pagbuti ng inflation outlook.

“Pero sabi nga ng ating administrasyon, hindi magpapakampante ang gobyerno kahit sinasabi nating bumababa iyong inflation rate – patuloy pa rin ang pagtatrabaho para magtuluy-tuloy na maibaba ang presyo ng mga bilihin,” dagdag ng opisyal.

Nang tanungin kung may plano ang Malakanyang na magpatupad ng karagdagang subsidiya o financial assistance para sa mga sektor na patuloy na nakararanas ng kahirapang pang-ekonomiya, kinumpirma ni Castro na may inihahanda pang karagdagang ayuda ang pamahalaan. Gayunman, ipauubaya na lamang sa Pangulo ang pag-aanunsyo ng mga ito. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here