Home METRO Halos 1,000 parak ipinakalat sa EDSA ’emergency rally’

Halos 1,000 parak ipinakalat sa EDSA ’emergency rally’

4
0

MANILA, Philippines — Humigit-kumulang 900 pulis ang idineploy sa paligid ng People Power Monument sa EDSA, Quezon City nitong Martes matapos ang isang biglaang pagtitipon na nagdulot ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lugar.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), personal na mino-monitor ni Jose Melencio Nartatez Jr. at ng kanyang command group ang sitwasyon sa pamamagitan ng real-time updates mula sa mga opisyal na nasa lugar.

Sinabi ng PNP na layunin ng kanilang operasyon na matiyak ang kaligtasan ng publiko, mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko, at masiguro ang mapayapang sitwasyon habang iginagalang ang karapatan ng mga kalahok sa pagtitipon.

Ayon naman kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Anthony Aberin, umabot sa tinatayang 8,000 ang dumalo sa pagtitipon. Batay aniya sa naging pakikipag-ugnayan ng pulisya sa mga organizer, pawang mga miyembro umano ng Iglesia Ni Cristo ang mga kalahok.

Dahil sa dami ng mga nagtipon, nagkaroon ng matinding pagsisikip ng trapiko, partikular sa northbound lane ng EDSA at sa bahagi ng White Plains, matapos maapektuhan ang ilang linya ng kalsada.

Kaagad namang nagdagdag ng mga pulis sa lugar habang dumarami ang mga kalahok. Ayon kay Aberin, nakipag-usap ang pulisya sa mga organizer at hiniling na panatilihing maluwag ang mga pangunahing kalsada upang mabawasan ang epekto sa trapiko.

Hindi pa tinukoy ng mga organizer ang layunin ng pagtitipon, ayon sa pulisya.

Sinabi rin ni Aberin na walang permit ang naturang pagtitipon. Gayunman, ipinaliwanag niyang pinili ng pulisya na pairalin ang maximum tolerance upang maiwasan ang anumang komprontasyon dahil sa dami ng mga kalahok.

Nanatili ang mga pulis sa lugar habang nagpapatuloy ang pagtitipon, at pinayuhan ang mga motorista na gumamit ng mga alternatibong ruta upang maiwasan ang matinding trapiko sa EDSA. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here