MANILA, Philippines – TINIYAK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang pagpopondo sa mga proyekto sa barangay ay hindi magreresulta sa malawakang flood control-like scandal.
Kumpiyansang inihayag ni Pangulong Marcos na ang P200,000 na inilaan sa mga barangay sa buong bansa para pondohan ang local projects at magbigay ng scholarships sa mga estudyanteng nagpupumilit na tapusin ang kanilang edukasyon sa kabila ng financial constraints ay hindi mapepeste ng korapsyon.
Sa naging pagbisita ng Pangulo sa Maimbung, Sulu, para pangunahan ang pamamahagi ng bigas at pinansyal na tulong, sinabi niya na naniniwala siyang ang pondong ibibigay sa mga barangay ay mahahawakan nang maayos ng mga opisyal ng barangay.
“May nagtanong, nakakasiguro ba tayo na gagamitin sa tama ‘yan? Sabi ko, hindi kayo nakakaintindi ng local government. Ang local government, hindi kayang gawin yung ginawa sa mga flood control na ‘yan,” ang diing pahayag ng Pangulo.
Winika pa ng Pangulo na ang budget ay hindi maaabuso dahil “if the work is not done well, people come to our houses.”
“Kakatukin kayo, nung alas-dos, alas-tres ng umaga, bakit ang pangit ng ginawa ninyo? Bakit ganito? Bakit yung ganyan? Wala pa. Bakit yung pinangako ninyo? Wala pa?” anito.
“Kaya meron tayong, meron tayong nagbabantay,” aniya pa rin.
Tinuran pa ng Pangulo na ang lahat ng mga constituent ay naka-monitor sa mga opisyal. Kaya nga kumpiyansa siya na ang programa ay maayos na maipatutupad at maihahatid ang mga benepisyong inilaan ng national government para sa mga mamamayan.
“Basta’t idaan sa local government, ay palagay ko, alam na alam ko, na tiyak na mabilis na lalabas at tama ang pupuntahan,” anito. Kris Jose