MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na nananatiling matatag at “good” ang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina sa kabila ng pagpapalitan ng mga maaanghang na salita ng mga opisyal ng dalawang bansa ukol sa West Philippine Sea (WPS).
Muling inulit ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpatuloy ng Pilipinas ang paggiit sa national interests at protektahan ang sovereign rights nito sa pamamagitan ng diplomatic means.
Binigyang-diin ni Castro na ang Pilipinas ay nananatiling committed na igiit ang karapatan nang hindi gumagamit ng probokasyon, agresyon, at labag sa batas na pananakop.
“We could protect our rights, we could fight for our interests in a diplomatic manner. Wala naman po tayong probokasyon, wala naman din tayong aggression, at wala din naman pananakop na ginagawa ang Pilipinas sa kahit anong teritoryo,” ayon kay Castro.
Aniya pa, tinutupad lamang ng dalawang bansa ang kani-kanilang batas at polisiya.
“Ang China ay tumutupad sa kanilang batas at polisiya. Ganoon din po ang Pilipinas. Si Secretary Gibo ay tumutupad lang din sa kanyang mandato, kagaya rin po ng mga opisyal ng bansang China,” aniya pa rin.
At nang tanungin kung paano ilalarawan ng administrasyon ang relasyon ng Pilipinas at Tsina sa gitna ng umiigting na pagpapalitan ng mga salita sa pagitan nina Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. at mga Chinese official, ang tugon ni Castro ay wala namang anumang sigalot dahil lamang sa naging mensahe ni Teodoro sa Tsina.
“Sa atin po, sa parte ng Pilipinas, tinuturing pa ring maganda ang relasyon ng ating bansa sa bansang China. Hindi naman po nagkakaroon ng anumang rift o sigalot dahil lang sa mga mensahe ng ating defense secretary,” dagdag na wika nito.
Matatandaang, sa isang summit sa Singapore noong nakaraang buwan, binatikos ni Teodoro ang mga aktibidad ng Beijing sa disputed waters at sinabing ang Maynila “will not sacrifice our territorial integrity and sovereignty.”
Nang tanungin noong nakaraang linggo tungkol sa mga pahayag ni Teodoro sa summit, sinabi ni Chinese foreign ministry spokeswoman Mao Ning na siya ay “is known to vilify China.”
“All he cares is selfish personal gains to the point that he would perform political theatrics even when people’s well-being is at stake,” pahayag ni Mao. Kris Jose