MANILA, Philippines – Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Martes ang Philippine National Police (PNP) na pairalin ang “maximum tolerance” sa pagpapatupad ng seguridad sa nagpapatuloy na rally sa EDSA.
“The DILG has directed the Philippine National Police (PNP), in close coordination with the concerned local government unit, to exercise maximum tolerance and implement appropriate security and traffic management measures to help ensure that the activity remains peaceful, orderly, and safe for all,” ayon sa DILG.
“The DILG calls on all participants and stakeholders to exercise their rights responsibly, uphold the rule of law, and cooperate with authorities throughout the activity,” dagdag nito.
Nagsimula ang pagtitipon bago magbukang-liwayway malapit sa People Power Monument at nagdulot ng matinding trapiko, dahilan upang pansamantalang isara ang White Plains Avenue. Kinansela rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nakatakda niyang pagdalo sa luncheon ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) upang tutukan ang sitwasyon.
Samantala, hindi bababa sa dalawang indibidwal ang naaresto matapos uminit ang tensyon sa pagitan ng pulisya at ilang kalahok sa rally.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), isang pulis ang nasugatan matapos maipit sa pag-atras-abante ng isang van na umano’y humarang sa EDSA Busway habang isinasagawa ng mga awtoridad ang clearing operations.
“May sugatan po tayong pulis dahil naipit po kanina sa pag-atras-abante ng van in their attempt to block the pathway ng bus lane,” ayon sa isang opisyal ng pulisya.
Sinabi ng mga awtoridad na kabilang sa mga naaresto ang mga sakay ng naturang van.
“May naaresto. Sila po ’yung nasa loob ng van kanina na nag-atras-abante,” dagdag ng opisyal.
Dinala sa ospital ang nasugatang pulis para sa paggamot.
Sa hiwalay na ulat, sinabi ng pulisya na may dalawa ring indibidwal na naaresto dahil umano sa pananakit sa mga pulis sa kasagsagan ng komprontasyon, bagama’t hindi pa kumpirmado ang pinal na bilang ng mga naaresto. Itinanggi naman ng ilang kalahok sa rally ang alegasyon at iginiit na walang ginawang mali ang mga inaresto. Santi Celario