MANILA, Philippines – Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Martes na walang permit ang pagtitipon ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) malapit sa People Power Monument sa EDSA at naapektuhan ang operasyon ng EDSA Busway matapos umanong sakupin ng mga kalahok ang bahagi ng exclusive lane.
Ayon kay MMDA General Manager Ret. Gen. Nicolas Torre III, isinara ang White Plains Avenue dahil sa pagtitipon at ang northbound EDSA Busway na lamang ang nanatiling bukas sa naturang bahagi ng EDSA.
“Ang center kasi ng movement ngayon itong People Power Monument. So, saradong-sarado na ’yung White Plains at ang bus lane na lang na northbound ang gumagana dito sa portion ng EDSA,” ani Torre.
Sinabi niyang nagsasagawa ang MMDA ng clearing operations sa busway at paghila sa mga sasakyang nakaharang sa daloy ng trapiko.
“MMDA towing ang ginagamit natin dito ngayon,” dagdag niya.
Iginiit din ni Torre na walang permit at walang naging koordinasyon sa mga awtoridad ang naturang pagtitipon.
“Walang permit ito. Wala talagang coordination at walang permit itong rally na ito,” aniya.
Humingi rin siya ng pang-unawa sa mga commuter at motorista na naapektuhan ng matinding trapiko.
“Maraming pasensiya ang kailangan natin dito habang inaayos at ating maibalik sa dating kalagayan.”
Samantala, sinabi ni Quezon City Department of Public Order and Safety chief Ret. Gen. Elmo San Diego na unti-unti nang nagiging maayos ang sitwasyon sa lugar ng pagtitipon habang patuloy na tumutulong ang lokal na pamahalaan sa pulisya sa pamamahala ng lugar at paglilinis ng mga apektadong kalsada.
Nauna nang nagbabala ang MMDA sa mga motorista na asahan ang mabigat na daloy ng trapiko dahil nananatiling okupado ng mga sasakyan ng mga raliyista ang isang lane ng EDSA at pinayuhan silang gumamit ng alternatibong ruta. Dave Baluyot