MANILA, Philippines – Naghain si Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III ng isang resolusyon upang imbestigahan ang epekto ng social media sa mga batang Pilipino.
Layunin ng Senate Resolution No. 486 na alamin kung may kaugnayan ang paggamit ng social media sa pagdami ng mga menor de edad na nasasangkot sa karahasan, cyber-related offenses, at iba pang mapanganib na gawain.
Ayon kay Sotto, kailangang matukoy ang mga hakbang upang mas maprotektahan ang digital na kapakanan ng mga bata.
Kasunod ito ng panawagan ng ilang opisyal na higpitan ang paggamit ng social media at online games matapos ang madugong pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Binigyang-diin ni Sotto na bago magpatupad ng mga polisiya tulad ng pagbabawal sa social media para sa mga menor de edad, dapat munang magkaroon ng “a thorough review of the country’s existing laws, the actual patterns of social media use among Filipino children, and the government’s capacity to enforce any future regulations.”
Dagdag pa niya, “The resolution’s goal is to strike the proper balance between children’s access to technology and information and the State’s constitutional duty to protect their welfare and development.”
Saklaw ng imbestigasyon ang epekto ng labis na screen time at mapanganib na online content sa mental health, kaligtasan, moral na pag-unlad, at kabuuang kapakanan ng mga bata.
Kinilala rin ni Sotto na bagama’t nakatutulong ang teknolohiya sa pag-aaral at komunikasyon, maaari rin nitong ilantad ang mga bata sa cyberbullying, online sexual exploitation, grooming, self-harm content, misinformation, at online gambling. RNT/MDS