ZAMBOANGA DEL SUR, Philippines – Mahigit ₱105 milyong halaga ng hinihinalang puslit na sigarilyo ang nasamsam ng mga awtoridad sa magkahiwalay na operasyon sa Pagadian City at Pitogo, Zamboanga del Sur.
Sa Pagadian City, nakumpiska ang 611 master cases ng sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng ₱96.4 milyon, kasama ang isang Canter truck container van. Nadiskubre ang mga ito matapos dalhin sa baybayin ng Barangay White Beach gamit ang apat na motorized pump boat.
Isinuko ang mga sigarilyo at truck sa Bureau of Customs, habang nanatili sa kustodiya ng Philippine Army ang mga bangka. Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga nasa likod ng ilegal na kargamento.
Sa hiwalay na operasyon sa Pitogo, nasamsam din ang hinihinalang puslit na sigarilyo na nagkakahalaga ng ₱9.47 milyon. Tatlong katao ang naaresto habang nakatakas ang iba.
Nakarekober din ang pulisya ng mga uniporme, ID, at iba pang government-issued items na umano’y pag-aari ng dalawang miyembro ng PNP, kaya agad na sinimulan ang imbestigasyon.
Ayon kay Zamboanga del Sur Police Director Col. Bonifacio Arañas Jr., sasampahan ng kaukulang kasong kriminal at administratibo ang sinumang mapatutunayang sangkot, at iginiit niyang walang sinuman ang mas mataas sa batas. RNT/MDS