Home HOME BANNER STORY Posibleng kasong plunder, kinondena ni Sen. Marcoleta

Posibleng kasong plunder, kinondena ni Sen. Marcoleta

5
0

MANILA, Philippines – Kinondena ni Sen. Rodante Marcoleta ang posibleng pagsasampa ng kasong plunder kaugnay ng umano’y hindi niya pagdedeklara ng P75 milyong campaign donations.

Sa isang video sa Facebook, sinabi ni Marcoleta na layunin umano ng kaso na pigilan siyang makilahok sa imbestigasyon sa umano’y flood control scandal at sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, isasampa ang kaso laban kay Marcoleta at sa kanyang mga campaign donor na sina dating Cong. Michael Defensor at mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray.

“Ang kasalanan ko lamang po ay yung paglingkuran kayo… gusto nating papanagutin lahat ang mga taong ito,” ani Marcoleta.

“Ngunit kapag ako’y kanilang inaresto, hindi na po matutuloy yan… hindi na po ako makakasali doon sa impeachment proceedings… Samakatuwid, dalawang ibon sa isang putok,” dagdag niya.

Iginiit din ni Marcoleta na mas inuuna umano ng gobyerno ang pag-usig sa mga naghahanap ng katotohanan kaysa sa mga sangkot sa katiwalian. Binanggit din niya na nakabinbin pa rin umano mula Abril 2026 ang reklamo laban kay dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng isyu sa flood control.

Inakusahan din niya si Remulla na planado ang pagsasampa ng kaso.

“Talagang maliwanag na planado po ito, mga kababayan,” sabi ni Marcoleta.

Samantala, itinanggi ni Sen. Ping Lacson ang paratang ni Marcoleta. Ayon kay Lacson, ang nauna niyang pahayag tungkol sa posibleng siyam na senador na makulong ay isang hypothetical na halimbawa lamang kaugnay ng kinakailangang bilang ng boto sa impeachment trial, at hindi batay sa anumang nalalamang plano. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here