MANILA, Philippines – Hindi nakikita ng Malakanyang na banta sa administrasyong Marcos ang ’emergency rally’ ng Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA People Power Monument.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ginagalang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang karapatan ng publiko sa freedom of expression at peaceful assembly subalit hindi nito kinukunsinti ang pang-aabuso.
“Wala pong nakikitang threat dahil alam naman po ng Pangulo na ang kanyang ginagawa ay para sa taumbayan. Kung meron lang pong ibang interes o interes ng ibang grupo, interes ng iilang tao, hindi po siya dapat maging hadlang sa pagpapatupad ng Pangulo at ng administrasyong ito ng batas,” ang sinabi ni Castro.
Idinagdag pa ni Castro na nananatiling nakapokus ang Pangulo sa pagpapatupad ng batas at pagsusulong ng mga programa para sa kapakanan ng mamamayang filipino sa kabila ng nagpapatuloy na pagtitipon.
Tinatayang may 10,000 protesters ang nag-ipon-ipon sa People Power Monument sa Quezon City, araw ng Martes. Nananawagan ang mga ito ng ‘accountability at transparency.’ (KRIS JOSE)