Home NATIONWIDE Panukalang pagbibigay ng hazard pay sa mga LGU employees, tinulak sa Kamara

Panukalang pagbibigay ng hazard pay sa mga LGU employees, tinulak sa Kamara

5
0

MANILA, Philippines – Sa katwirang nahaharap ang mga kawani ng Local Government Units(LGUs) sa ibat ibang uri ng occupational hazard, inihain sa Kamara ni Nueva Vizcaya  Rep Atty. Timothy Joseph Cayton ang isang panukalang batas na magbibigay ng hazard pay sa mga mangagawa.

Layon ng  House Bill No. 9809 o  Local Government Employees Hazard Pay Act of 20265 na mabigyan ng nararapat na hazard pay ang mga kawani ng LGU na araw araw ay nakararanas ng matinding panganib partikular ang mga nasa disaster response, sanitation, engineering works, environmental hazards, law enforcement, at maging ang mga humahawak ng mapanganib na kemikal.

Sa ilalim ng nasabing panukala, ang pagkakaloob ng hazard pay ay ibabase na sa aktuwal na panganib ng trabaho at hindi na sa employment status ng isang manggagawa.

Dahil dito, saklaw na ng benepisyo ang mga permanent, casual, temporary, contractual, kabilang ang mga job order (JO) at contract of service (COS) employees.

Iminumungkahi rin ng House Bill 9809 ang pagbuo ng isang National Occupational Hazard Classification Framework upang magkaroon ng iisang pamantayan sa pagtukoy kung sinu-sino ang kwalipikado sa hazard pay,

Batay sa nakasaad na guidelines ng panukala, makatatanggap ang mga empleyadong nasa high-risk work ng hazard pay na katumbas ng hindi bababa sa 25% ng kanilang basic monthly salary, habang 15% naman ang para sa mga nasa moderate-risk work.

Binigyang-diin ni Cayton na panahon na upang kilalanin at pakinggan ang sakripisyo ng mga kawani ng pamahalaang lokal na patuloy na nagsisilbi sa kabila ng banta sa kanilang kaligtasan.

Inaasahang sa pamamagitan ng panukalang ito, libu-libong manggagawa sa mga probinsya, lungsod, at munisipalidad ang mabibigyan ng mas matatag na proteksyon, pagkilala, at tamang kompensasyon na matagal na nilang nararapat na matanggap. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here