ILOILO, Philippines – Bumuo ang pamahalaang panlalawigan ng Iloilo ng Marine Wildlife Conservation, Bycatch Monitoring, and Stranding Response Program matapos ipagbawal ng Estados Unidos ang pag-angkat ng Philippine crab meat.
Nilagdaan ni Gov. Arthur “Toto” Defensor Jr. ang Executive Order No. 72, Series of 2026 noong Hunyo 29 bilang bahagi ng pagsisikap na maalis ang ipinataw na ban ng US National Marine Fisheries Service. Ayon sa ahensya, hindi nakasunod ang Pilipinas sa mga pamantayan ng US Marine Mammal Protection Act (MMPA).
Malaki ang epekto ng ban sa kabuhayan sa bayan ng Concepcion, Iloilo, kung saan may kumpanyang nagluluwas ng blue crab meat sa Amerika.
Layunin ng programa na palakasin ang responsableng pangingisda sa 19 na baybaying bayan ng Iloilo. Magpapatupad ito ng mahigpit na pagbabantay laban sa bycatch, o hindi sinasadyang pagkakahuli, pagkasugat, o pagkamatay ng mga marine wildlife habang nangingisda.
Kabilang sa task force ang BFAR, DENR, mga lokal na pamahalaan, mga paaralan, non-government organizations (NGOs), at iba pang katuwang.
Magkakaroon din ng sistema para sa pag-uulat, mabilis na pagtugon, at pagbuo ng database para sa mas maayos na pagmamanman sa mga marine wildlife. RNT/MDS