Home NATIONWIDE LPA sa S. Luzon, malaki tyansa maging bagyo

LPA sa S. Luzon, malaki tyansa maging bagyo

5
0

MANILA, Philippines – Nananatiling mataas ang posibilidad na maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras ang low-pressure area (LPA) na kumikilos sa Southern Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Hunyo 30.

Ayon kay PAGASA weather specialist Benison Estareja, namataan ang LPA sa baybayin ng Gasan, Marinduque alas-3 ng hapon at inaasahang tatawid sa nalalabing bahagi ng Mimaropa bago lumabas sa West Philippine Sea sa Miyerkules, Hulyo 1.

Kapag naging tropical depression ang LPA habang nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), tatawagin itong “Henry.”

Bagama’t hindi pa ganap na lumalakas bilang tropical depression, nagdudulot na ito ng malawakang pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas. Inaasahan ding palalakasin nito ang southwest monsoon o “habagat,” na magdadala ng mas maraming pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa susunod na 24 oras, makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Metro Manila, Visayas, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, at Bicol Region dahil sa LPA. Magdudulot din ang habagat ng kaparehong lagay ng panahon sa Zamboanga Peninsula, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Lanao del Norte, Sultan Kudarat, South Cotabato, Sarangani, Davao Occidental, Davao del Sur, at Davao Oriental.

Samantala, magiging bahagyang maulap hanggang maulap na may pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms ang nalalabing bahagi ng Mindanao at Luzon dulot ng habagat at localized thunderstorms.

Nagbabala ang PAGASA na ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan at matitinding thunderstorms ay maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa. Sinabi rin ni Estareja na wala pang binabantayang panibagong low-pressure area na posibleng mabuo sa loob ng susunod na tatlong araw. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here