MANILA, Philippines – Nais ng pamilya ng isa sa tatlong estudyanteng napatay sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City, na sampahan din ng kaso ang 14-anyos na suspek at papanagutin sa krimen.
Dalawang menor de edad na may edad 14 at 15 ang itinuturong sangkot sa pamamaril, ngunit ang 15-anyos pa lamang ang nasampahan ng kaso sa tanggapan ng piskal.
“Kung pwede, kahit 14 years old sana ma-file-an ng kaso… hindi na maibabalik ang buhay ng anak ko na nagkaganyan… para lang siya nagbaril ng aso… Kahit 14 years old kasi, nakapatay siya, dapat ikulong para makaranas siya kung ano ang nararamdaman ng nandoon sa loob ng kulungan,” pahayag ni Nico, ama ng biktima na si Ayessa Nicole Dazo.
Hiniling din niya na ilagay ang 14-anyos sa police detention at hindi lamang sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), dahil aniya ay hindi katanggap-tanggap ang nangyari at maaaring maging maling halimbawa ito sa ibang menor de edad.
“Kasi siya ang naka-ano sa anak ko… maraming nagsasabi sa mga kasamahan niya sa school sa loob ng paaralan, siyang nakabaril tapos ganun ganun lang… iko-comfort pa nila… makulong talaga yung 14 years old, hindi lang sa DSWD… ilagay nila sa detention sa pulis kasi hindi katanggap-tanggap ang ginawa niya… alam nila may mga menor de edad din na gagaya… malalaman ng iba, ah, yung 14 years old hindi pala nakukulong… gawin natin ito. ‘Yan ang tinitingnan nilang ehemplo,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ng DSWD na nasa isang pasilidad sa Leyte ang dalawang suspek mula pa noong Hunyo 26 at nasa pangangalaga ng mga social worker at house parents. Ayon kay DSWD-8 Director Grace Subong, walang espesyal na pagtrato sa mga menor de edad at sumasailalim lamang sila sa mga pangunahing serbisyo bilang bahagi ng kanilang rehabilitasyon.
Sinabi rin ni Subong na mananatili ang 14-anyos sa pasilidad hanggang sa siya ay ma-rehabilitate.
“Yung bata, yung 14 years old, pag hindi pa rin siya magbago na ma-rehabilitate, hanggang kailan siya tatanda, dun siya kasi nga kailangan niyang maintidihan ano ang consequence ng ginawa niya. Sa ngayon kasi, hindi pa niya maintindinan… para bang, like an adult appreciation of things. Hanggat hindi siya ma-reform or ma-rehabilitated, mananatili siya sa facility,” ani Subong.
Sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act, ang mga suspek na may edad 15 pababa ay hindi ikinukulong kundi sumasailalim sa mandatory intervention at rehabilitation programs sa pangangasiwa ng mga social worker ng pamahalaan. Mary Anne Sapico