MANILA, Philippines – Iginiit ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Anthony Aberin na walang ibinigay na espesyal na pagtrato sa mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) na nagsagawa ng rally sa EDSA kahit miyembro rin siya ng naturang relihiyon.
“Although INC po tayo, we will abide by the Constitution. We are for the duly constituted authorities. Doon po tayo sa nakakarami,” ani Aberin habang isinasagawa ang rally.
Nagulat ang mga awtoridad matapos magtipon ang mga raliyista sa EDSA-White Plains area madaling-araw ng Martes nang walang permit.
Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) na pairalin ang maximum tolerance at makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan upang matiyak na magiging mapayapa, maayos, at ligtas ang aktibidad.
Ayon sa Quezon City Police District, inaprubahan ang permit para sa rally ng INC sa EDSA People Power Monument hanggang alas-8 ng gabi ng Hulyo 1.
Muling iginiit ng DILG na iginagalang nito ang karapatan ng bawat Pilipino sa mapayapang pagtitipon, habang sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na patuloy itong nakikipag-ugnayan sa PNP sa pagbabantay sa sitwasyon at nanawagan sa mga organizer na tiyaking hindi lubhang maaabala ang publiko. Santi Celario