MANILA, Philippines – Isinailalim ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa red alert ang lahat ng yunit nito sa National Capital Region upang matiyak ang mas mataas na antas ng kahandaan sa gitna ng nagpapatuloy na rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa EDSA-White Plains.
Sa isang pahayag, sinabi ng AFP na bahagi ito ng karaniwang hakbang upang matiyak na nakahanda ang mga tauhan at kagamitan nito na tumulong sa mga civil authorities kung kinakailangan.
“This standard measure keeps AFP personnel and assets prepared to support civil authorities, when requested, in accordance with the Constitution, existing laws, and established procedures,” ayon sa AFP.
Idinagdag ng AFP na patuloy itong nakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya ng pamahalaan upang mapanatili ang kaligtasan, seguridad, at tuloy-tuloy na paghahatid ng mga mahahalagang serbisyo sa publiko.
Sa isinagawang rally, nagpahayag ng suporta ang Iglesia Ni Cristo kay Sen. Rodante Marcoleta, na nakatakdang sampahan ng Office of the Ombudsman ng kasong plunder kaugnay ng umano’y hindi idineklarang P75 milyong campaign contributions. Dave Baluyot