NATAPOS na parang bula ang maingay na rally sa EDSA ng tinawag na White Ribbon group nitong Linggo na sinalihan ng humigit-kumulang sa 3,000 katao.
Sinabi ng isang pari ng White Ribbon group na inimbitahan nila ang Iglesia ni Cristo ngunit wala silang INC members bagaman hindi pinagbawalan ng pamunuan ng INC ang mga miyembro na sumali, batay sa pahayag ni INC spokesperson Edwil Zabala.
Ganap namang pinagbawalan ng mga militanteng grupo ang Diehard Duterte Supporters o DDS.
Kahapon naman, habang tinitipa ang kolum na ito, hindi pa natatapos ang rally na may malaking partisipasyon ng Iglesia ni Cristo at iba pang mga grupo.
Ayon sa ilang nagsalita, gabi pa ng Lunes nagsimula ang mga pagtitipon ngunit lumaki ito kahapon ng umaga sa mahigit 10,000 at umaasa silang darating at sasama pa rito ang mga manggagaling sa mga lalawigan.
May mga nanawagan din sa mga kapatid na Muslim at miyembro ng Kingdom of Jesus Christ na sumali sa kilusan habang may mga DDS din at posibleng magtatagal ito.
May ilang pagkakatulad ng mga isyu na dala-dala ng mga grupo gaya ng laban sa matinding korapsyon, lalo na ang P1.7 trilyong male-maletang kikbakan sa flood control projects.
Ngunit sa isyung pagpapanagot sa korapsyon malaki ang pagkakaiba.
Hindi malinaw na diniinan ng White Ribbon ang pananagutan hanggang Palasyo at agarang pagbabago sa pamunuan ng pamahalaan ngunit malinaw ang mga ito na panawagan ng huling grupo.
Naging malinaw ring paksa ng huling grupo ang panggigipit sa mga sumisigaw laban sa korapsyon habang ginagawang malaya ang mga kinikilalang nasa likod ng mga kikbakan kaya naman may paniniwalang malala ang pang-aabuso sa kapangyarihan.
Kung magtatagal ang pagtitipon ng huling grupo, saan kaya ito hahantong?






