Home OPINION HOLD-UP PRANK NG DRIVER AT BLOGGER, HINDI NAKATATAWA

HOLD-UP PRANK NG DRIVER AT BLOGGER, HINDI NAKATATAWA

2
0

SUPORTADO ng Lawyers for Commuters Safety and Protection ang naging hakbang ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na suspendihin ang operasyon ng isang EV Taxi company kaugnay ng viral video kung saan isang driver ang sumigaw ng “holdap” habang dalawang blogger ang nagpanggap na mga holdaper bilang bahagi umano ng isang prank.

Hindi ito nakatatawa. Mas lalong hindi ito dapat gawing content para lamang sa social media.

Sa panahong puspusan ang kampanya ng LTFRB, sa pangunguna ni Chairman Vigor Mendoza, upang palakasin ang tiwala ng publiko sa kaligtasan ng pampublikong transportasyon, nakapanghihinayang na may mga indibidwal na handang lumikha ng takot at maling impresyon kapalit ng pansamantalang kasikatan at mas maraming views.

Ang salitang “holdap” ay hindi biro. Sa bawat commuter na araw-araw sumasakay sa pampublikong sasakyan, ang salitang ito ay nagdudulot ng pangamba at maaaring magbunsod ng panic, trauma, o magiging mapanganib na reaksyon mula sa mga pasahero.

Ang kaligtasan ng publiko ay hindi kailanman dapat gawing entertainment.

Naniniwala ang LCSP na bukod sa administrative sanctions, nararapat ding masusing imbestigahan kung may nilabag na batas ang mga sangkot at, kung may sapat na batayan, papanagutin sila alinsunod sa umiiral na mga batas. Ang layunin nito ay hindi lamang upang magparusa kundi upang magsilbing babala na ang mga prank na may kinalaman sa krimen at pampublikong kaligtasan ay may kaakibat na pananagutan.

Sa LCSP, marami na ring reklamo ng mga umano’y insidente ng krimen sa pampublikong transportasyon ang aming natatanggap. Ang mga ito ay aming maingat na bina-validate at agad na iniuulat sa LTFRB at sa mga kinauukulang law enforcement agencies upang masiyasat nang maayos. Hindi namin ito ginagawang content; ginagawa namin itong usapin ng hustisya at kaligtasan.

Kung ang ‘bomb joke’ sa paliparan ay may kaakibat na mabigat na parusa dahil sa panganib na dulot nito, dapat ding seryosohin ang mga prank na gumagamit ng salitang “holdap” sa pampublikong transportasyon. Ang seguridad ng mga commuter ay hindi dapat gawing katatawanan. Ang responsableng paggamit ng social media ay nagsisimula sa pag-unawang hindi lahat ng content ay karapat-dapat gawin para lamang sa kasikatan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here