Home NATIONWIDE Puganteng SoKor nat’l na sangkot sa telecom scam, tiklo sa Pampanga

Puganteng SoKor nat’l na sangkot sa telecom scam, tiklo sa Pampanga

3
0

PAMPANGA — Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national na wanted sa kanyang bansa dahil sa umano’y pagkakasangkot sa isang multi-milyong telecommunications fraud o telecom scam na nakabiktima ng ilang indibidwal.

Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang naarestong dayuhan na si Park Junhyeon, 44-anyos, na nadakip ng mga operatiba ng BI-Fugitive Search Unit noong gabi ng Hunyo 28 sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga.

Isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng South Korea, Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR), at Department of Justice. Ayon sa BI, si Park ay saklaw ng isang Interpol Red Notice na inilabas noong Mayo 7, 2026 kasunod ng warrant of arrest na inisyu ng Busan District Court sa South Korea kaugnay ng kasong fraud.

Batay sa impormasyon mula sa mga imbestigador sa South Korea, umano’y pinatakbo ni Park kasama ang ilang kasabwat ang isang “no-show” scam kung saan nagpapanggap siyang negosyante at nangangakong babayaran ang mga produktong ipabibili sa kanyang mga biktima. Sa kabuuan, pitong katao ang umano’y naloko sa 24 transaksyon na nagresulta sa pagkalugi na tinatayang umaabot sa KRW 170 milyon.

Binigyang-diin ni Viado na hindi papayagan ng Pilipinas na maging kanlungan ng mga dayuhang tumatakas sa hustisya. Aniya, patuloy na makikipagtulungan ang BI sa mga international law enforcement agencies upang matunton at mapanagot ang mga puganteng sangkot sa krimen.

Lumabas din sa rekord ng BI na huling dumating si Park sa Pilipinas noong Disyembre 12, 2025 bilang temporary visitor. Gayunman, nag-overstay umano siya matapos magtapos ang kanyang awtorisadong pananatili noong Hunyo 9, 2026.

Nasa kustodiya na ngayon ng Bureau of Immigration ang suspek at sasailalim sa deportation proceedings habang nakadetine sa BI Warden Facility, kasunod ng pagkakalista sa kanya bilang isang undesirable alien at fugitive from justice. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here