KABILANG sa mga pinakamainit na usapin sa nagaganap na rally sa EDSA laban sa korapsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan ang kagustuhan ng mga nagra-rally na magtagal sa lugar habang gustong-gusto ng mga awtoridad na may mga takdang oras para rito.
Sa bahagi ng Iglesia ni Cristo na pangunahing nagsusulong ng rally, gusto nilang magtagal ang rally sa ilang araw kaya naman humihiling sila ng permit para rito mula sa lokal na pamahalaan ng Quezon City.
Kaugnay na rin ito ng inaasahang pagdating ng mga kasapi nila mula sa malalayong lugar gaya ng Visayas, Mindano at Luzon upang makamit ang inaasam-asam nilang pwersa na magsusulong ng kalayan at pagbabago mula sa korapsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan para sa buong bayan.
Sa parte naman ng pamahalaan, partikular ang QC local government, magkaroon lang ng takdang oras ang rally mula umaga hanggang gabi.
At may mga kondisyon sa espasyo na pupwede lamang okupahan ng mga raliyesta.
‘Yun bang === hindi pupwedeng harangin ng mga raliyesta ang buong EDSA at sa halip, magkaroon lang ang mga ito ng limitadong espasyo gaya ng isang lane at hindi kasama ang iba pang apat na lane upang maluwang ang daloy ng trapiko para sa publikong walang interes o kinalaman umano sa mga isyu.
Dito umano makakamit ang kagustuhan ng higit na nakararami na manatiling mapayapa at maayos ang takbo ng lipunan bagaman taliwas ang pagtingin dito ng mga nagra-rally.
HIGIT NA MALALIM NA USAPIN
Kung pagmasdan ang ginagawa sa Malakanyang, pinalilibutan ito ng mga harang na nakasusugat gaya ng mga barbed wire na sapin-sapin.
Lalo na sa mga entrada nito at may daan-daang nakikitang mga armadong pulis at iba pang mga pwersa ng pamahalaan na nagbabantay sa Malakanyang.
Sa EDSA mismo, kakambal ng mga nakaunipormeng pulis na hindi armado ang mga armado ng malalakas na armas laban sa anomang hindi magandang kilos ng mga raliyesta, lalo na ang pananakit sa kanila at sa katunayan, may inaresto na sila na umano’y nasangkot sa pagkakasugat ng ilang pulis.
Siyempre pa, hindi kaila na may higit na maraming pwersang armado na hindi lumalabas ngunit on call sa anomang pangangailangan, kasama na mismo ang mga sundalo at iba pa.
Sa likod, gitna at harap ng mga pwersang ito ang mga pahayag ng matataas na opisyal ng gobyerno na nasa anyong sedisyon o maaaring higit pa ang ginagawa umano ng mga raliyesta, lalo na ang mga naghahayag na bumitiw na sa tungkulin mismo si Pangulong Bongbong Marcos upang magkaroon ng bagong pamunuan at tunay na panlipunang pagbabago.
At huwag nang hintayin ng taumbayan ang pagdating ng halalang 2028 para sa pagbabago upang malutas na sa mga araw na ito ang dambuhala at hindi maawat-awat na male-maletang kikbakan at nakawan sa kaban ng bayan at paggamit at pagkapit-tuko sa poder para mang-abuso sa kapangyarihan.
At diyan na nauugat ang lahat ng tunggalian sa EDSA at palibot ng Malakanyang.
Ano nga kaya ang magaganap sa mga darating na araw?






