Home OPINION BATAS LABAN SA MGA PASAWAY NA KABATAAN MALINAW NA MALINAW

BATAS LABAN SA MGA PASAWAY NA KABATAAN MALINAW NA MALINAW

1
0

BATAY sa dumarami at naglilitawang pangyayari na kinasasangkutan ng mga pasaway na kabataan o edad pababa mula 18, malinaw na malinaw sa kanila kung paano sila ituring ng Juvenile Justice and Welfare Act na inamyendahan ng Republic Act 10630 at iba pang mga batas.

Lalo na ang probisyon o tadhana ng batas na hindi sila maparurusahan ng pagkakulong kung gagawa sila ng krimen.

Pare-pareho ang ikinakatwiran ng mga 12 anyos at under 15 at mahigit 15 at under 18 na hindi sila makukulong gaano man kabigat ang kanilang pagkakasalang krimen.

Ang malungkot pa rito, ganito rin ang malawak na paniniwala ng mga magulang kaya lalong tumitigas ang tindig ng mga pasaway na pumatay, manggahasa, magnakaw, manunog, magpakalat ng droga, manakit, mam-bully, mangarnap, mangidnap at iba pa.

Hindi gaanong iniintindi ng mga pasaway ang mga paliwanag ng mga awtoridad o mga magulang na matitino.

At wala silang pakialam na kung hindi man sila makukulong gaya ng sa kulungan para sa mga may sapat na edad, ang kanilang mga magulang ang mapiperwisyo, lalo na sa pagbabayad ng iba’t ibang danyos na maaaring aabot sa napakalalaking halaga o milyong piso…na para sa mahihirap na magulang, ay katumbas o masahol pa sa mala-impiyernong kalagayan.

Ano-ano nga kaya ang mga dapat gawin upang lumaya ang ating mahal na bayan sa rami ng mga pasaway na bata na pumipinsala hindi lang sa kanilang mga sarili kundi sa kanilang mga pamilya at komunidad na rin?

Batay sa lumilitaw na mga ulat, laging may malalaking pagkukulang mismo ang pamahalaan sa pondo, aksyon, kakayahan at pasilidad mismo na kontrolin ang mga pasaway at gabayan ang mga ito tungo sa rehabilitasyon at pagbabalik sa normal o katanggap-tanggap na mga kilos-panlipunan.

O panahon na ring ibaba ang edad para sa kriminal na pananagutan at pagpaparusa sa kanila nang nararapat?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here