Home METRO 2 estudyante tinarakan ng kaklase sa iskul sa Zamboanga City

2 estudyante tinarakan ng kaklase sa iskul sa Zamboanga City

15
0

ZAMBOANGA – SUGATAN ang dalawang estudyante matapos silang umano’y saksakin ng kanilang kaklase sa Cabaluay National High School sa Zamboanga City nitong Miyerkules ng umaga.

Ayon sa pulisya, nagdala ng kutsilyo ang 17-anyos na Grade 11 na suspek bilang proteksyon umano sa sarili dahil palagi raw siyang bina-bully ng dalawang biktima.

Nagtamo ng sugat sa ulo ang isa sa mga biktima habang nasugatan sa tagiliran ang isa pa. Agad silang nabigyan ng paunang lunas ng mga responder ng Bureau of Fire Protection at kapwa ligtas na ang kanilang kondisyon.

Agad ding sinundo ng mga magulang ang kanilang mga anak matapos kumalat ang balita tungkol sa insidente. Ayon sa pulisya, hindi pa nagpapasya ang pamilya ng mga biktima kung magsasampa sila ng kaso laban sa suspek.

Sa isang pahayag, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na nakikipag-ugnayan ang Department of Education (DepEd) central office sa mga regional at division office upang magbigay ng tulong sa mga biktima at kanilang pamilya.

Maglalaan din ang DepEd ng child protection measures, guidance services, at psychosocial support para sa mga apektadong mag-aaral at kawani.

“DepEd has urgently directed all schools and field offices nationwide to intensify the implementation of school safety and child protection policies and strengthen coordination with parents, local government units and law enforcement agencies,” dagdag ni Angara.

Samantala, sinabi ng DepEd-Zamboanga na agad umaksyon ang paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at patuloy na mino-monitor ang sitwasyon upang maibigay ang nararapat na intervention sa mga apektadong estudyante. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here