MANILA, Philippines – WALANG naiulat na Pilipinong nasawi, nasugatan, o nawawala matapos ang malalakas na lindol na tumama sa Venezuela noong Hunyo 24, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkules.
Ayon sa DFA, patuloy na mino-monitor ng Philippine Embassy in Bogota ang sitwasyon sa Venezuela, kung saan may hindi bababa sa 74 na Pilipino, karamihan ay mga religious missionary, na naninirahan.
“To date, the Embassy has received no reports of casualties, injuries, or missing Filipino nationals. The Embassy is actively reaching out to Filipinos in severely affected areas to determine their urgent needs,” ayon sa DFA.
Tumama sa hilagang bahagi ng Venezuela ang magkasunod na lindol na may lakas na 7.2 at 7.5 magnitude, na ikinasawi ng mahigit 1,700 katao at ikinasugat ng higit 5,000.
Batay sa datos ng United Nations, nasa 12,000 katao ang nawalan ng tirahan, habang hindi pa matiyak ng mga awtoridad ang bilang ng mga nawawala.
Pinayuhan ng DFA ang mga apektadong Pilipino at kanilang mga kaanak na makipag-ugnayan sa Philippine Embassy in Bogota sa pamamagitan ng emergency hotline o opisyal na email nito upang makatanggap ng agarang tulong. Dave Baluyot