Home NATIONWIDE Hirit ni Lagdameo na strong national-local gov’t partnership suportado ng BARMM leaders,...

Hirit ni Lagdameo na strong national-local gov’t partnership suportado ng BARMM leaders, governors

4
0

COTABATO CITY, Philippines – Nagpahayag ng buong suporta ang mga pangunahing lider ng Bangsamoro, kabilang ang lahat ng limang gobernador ng rehiyon, sa panawagan ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo Jr. na palakasin ang ugnayan at pagtutulungan ng pambansang pamahalaan at mga lokal na stakeholder.

Binigyang-diin ni BARMM Local Government Minister Jordan Bayam na mahalaga ang ganitong uri ng pakikipagtulungan upang maisulong ang kapayapaan, kaunlaran, at mahusay na pamamahala sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Ayon kay Bayam, buo ang tiwala ng mga lider ng BARMM kay Lagdameo na aniya’y nagsisilbing tulay sa pagitan ng pamahalaang Bangsamoro at ng pambansang administrasyon.

Sinabi niyang pinagkatiwalaan umano ng mga gobernador ng BARMM si SAP Lagdameo dahil sa kanyang patuloy na epektibong papel sa pagpapalakas ng koordinasyon sa pagitan ng BARMM at ng pambansang pamahalaan.

“His efforts have helped strengthen coordination and ensured that the concerns and priorities of the Bangsamoro people are heard at the national level,” ani Bayam.

Idinagdag ni Bayam na nananatiling mahalaga ang malapit na koordinasyon sa pagitan ng Malacañang at ng pamahalaang Bangsamoro habang patuloy na isinusulong ng rehiyon ang mga layunin nito para sa kapayapaan at kaunlaran.

Aniya, kinikilala ng mga lider ng BARMM ang mahalagang papel ni Lagdameo sa pagpapalakas ng dayalogo at kooperasyon, na nagbibigay-daan sa pambansa at panrehiyong pamahalaan na magtulungan sa pagtugon sa mga prayoridad sa pag-unlad at paghahatid ng mga serbisyo sa mga lokal na komunidad.

Umaayon ang pahayag ni Bayam sa mensaheng ibinahagi ni SAP Lagdameo sa ika-145 Full Council Meeting ng Regional Development Council-X at sa 2026 State of the Region Address sa Cagayan de Oro City, kung saan binigyang-diin ng Presidential aide ang kahalagahan ng pagtutugma ng mga pambansang prayoridad sa pangangailangan ng mga lokal na pamayanan.

Sa kanyang mensahe sa ngalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinabi ni Lagdameo na mahalaga ang papel ng Regional Development Councils sa pagtitiyak na sama-samang kumikilos ang mga national agency, local government units, pribadong sektor, at civil society upang maisulong ang inklusibong pag-unlad.

“The President has consistently emphasized that growth must be felt by ordinary Filipinos. Economic gains are meaningful only when they translate into greater opportunities for every family,” ani Lagdameo.

Muli rin niyang pinagtibay ang pangako ng pambansang pamahalaan na patuloy na susuportahan ang mga inisyatiba para sa pag-unlad ng rehiyon sa pamamagitan ng mas matatag na pakikipagtulungan at mas pinalakas na ugnayan sa mga lokal na pamahalaan.

Ayon kay Bayam, sumasalamin ang mensahe ni Lagdameo sa uri ng partnership na nagbibigay-daan upang mapanatili ng BARMM at ng pambansang pamahalaan ang bukas na komunikasyon at maisulong ang mga magkakatulad na layunin sa kabila ng natatanging sistema ng pamamahala sa rehiyon.

Inulit din ang parehong pananaw sa isang kamakailang eksklusibong pagpupulong na dinaluhan nina Chief Minister Abdulraof Macacua, Lanao del Sur Gov. Bombit Adiong, Tawi-Tawi Gov. Mang Sali, Maguindanao del Sur Gov. Kagui Ali Midtimbang, Maguindanao del Norte Gov. Tucao Mastura, Basilan Gov. Mujiv Hataman, at Local Government Minister Jordan Bayam.

Binigyang-diin ng mga opisyal na ang tuloy-tuloy na koordinasyon sa pagitan ng pambansa at panrehiyong pamahalaan ay magiging mahalaga sa pagpapanatili ng kapayapaan, pagpapabilis ng mga programang pangkaunlaran, at pagpapabuti ng buhay ng mga komunidad ng Bangsamoro lalo na habang naghahanda ang rehiyon para sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections darating na Setyembre 2026. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here