Home NATIONWIDE Parak, kasabwat arestado sa pagpatay sa kapwa pulis sa Zamboanga

Parak, kasabwat arestado sa pagpatay sa kapwa pulis sa Zamboanga

3
0

MANILA, Philippines – Arestado ang isang pulis at ang umano’y kasabwat nito kaugnay sa pamamaril at pagpatay sa isang police corporal sa Dumalinao, Zamboanga del Sur, matapos ang mabilis na operasyon ng mga awtoridad.

Kinilala ang biktima na si Police Cpl. Armaejo Unab Jornadal, 36, miyembro ng 2nd Zamboanga del Sur Provincial Mobile Force Company at residente ng Barangay Kalubi, San Miguel.

Ayon kay PLt. Phillip Basaya Jr., hepe ng Dumalinao Municipal Police Station, binaril si Jornadal ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo habang pauwi mula sa Pagadian City dakong alas-5 ng hapon nitong Miyerkules sa Barangay Tikwas.

Natagpuan ang biktima na duguan sa kalsada at idineklarang dead on arrival ni Dr. Jovanie Vista ng Margosatubig Regional Hospital.

Sa imbestigasyon, lumitaw na sinundan muna ng mga suspek ang biktima bago ito inunahan at paulit-ulit na pinaputukan.

Matapos ang pamamaril, tinangay ng gunman ang sling bag, personal na gamit at service firearm ni Jornadal bago tumakas patungong Guipos.

Narekober sa pinangyarihan ang apat na basyo ng hinihinalang 9mm pistol. Nakakita rin ang mga imbestigador ng resibo ng loan mula sa Armed Forces and Police Savings and Loans Association, Inc. (AFPSLAI), na indikasyong katatapos lamang mag-withdraw ng cash loan ang biktima.

Ayon kay Zamboanga del Sur Police Director Col. Bonifacio Arañas Jr., robbery ang pangunahing motibo sa krimen matapos matangay ng mga suspek ang tinatayang P214,000.

Kinabukasan, kusang sumuko ang isang police staff sergeant na nakatalaga sa Margosatubig Municipal Police Station at inaming siya ang nagmaneho ng motorsiklong ginamit sa krimen. Isinuko rin nito ang kanyang service firearm at itinuro ang umano’y gunman.

Sinabi ni Police Capt. Derf Jay Maquinta, tagapagsalita ng Zamboanga del Sur Police Provincial Office, na natukoy ang pagkakakilanlan ng pulis sa pamamagitan ng backtracking at pagsusuri sa mga CCTV footage.

Batay sa kanyang impormasyon, naaresto ng pinagsanib na puwersa ng pulisya ang umano’y gunman sa kanyang bahay sa Barangay Poblacion, Margosatubig. Narekober din sa kanyang kustodiya ang service-issued CANIK 9mm pistol ng biktima.

Kapwa isinailalim sa kustodiya ng Dumalinao Municipal Police Station ang dalawang suspek habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanila.

Pinuri naman ni Arañas ang mabilis na koordinasyon ng mga imbestigador, intelligence, forensic at operating units na nagresulta sa agarang pagkakaaresto sa mga suspek. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here