MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Pasay Traffic and Parking Management Office (PTPMO) na pansamantalang isasara ng tatlong araw sa mga motorista ang ilang bahagi ng Diokno Boulevard simula sa Lunes (Hulyo 6) upang masiguro ang seguridad sa gaganaping impeachment proceedings ni Vice Presidente Sara Duterte sa Senado.
Ayon kay PTPMO chief Ferdinand Lee, kanilang isasara ang northbound at southbound ng Diokno Boulevard mula Seaside Boulevard hanggang Atang Dela Rama Street sa darating na Lunes, Martes at Miyerkules ng alas 7:00 ng umaga hanggang alas 7:00 ng gabi.
Sinabi ni Lee na ang nabanggit na traffic scheme ay mananatili hanggang sa matapos ang pagsasagawa sa pagdinig ng impeachment trial ni Duterte na inaasahang magtatagal ng pito hanggang walong buwan.
Pinayuhan naman ni Lee ang mga motorista na pansamantala na munang gamitin bilang kanilang daanan sa kani-kanilang patutunguhan ang Macapagal Boulevard bilang alternate route at sundin ang insturksyon ng mga traffic enforcers na nakatalaga sa lugar upang mapanatili ang kaluwagan ng trapiko.
Humihingi na rin ng paumanhin ang PTPMO gayundin ng pang-uunawa at kooperasyon ng publiko dahil na rin sa pagpapaigting ng ipinatutupad na security measures kaugnay ng impeachment trial ni Duterte. James I. Catapusan