MANILA, Philippines – Hinamon ngayon ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang administrasyong Marcos na patunayang ang kampanya ng gobyerno para labanan ang korapsyon o katiwalian ay para sa lahat kasunod ng pahayag ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na kaso ni dating House Speaker Martin Romualdez ay mas lalong pinatatatag pa ng ahensya.
“Mismong ang Office of the Ombudsman ang nagsasabing lalo pang lumalakas ang kaso at gagamitin pa ang mga testimonya ng mga dating bodyguard ni Zaldy Co upang higit pang patibayin ito. Kung ganoon, dapat mas lalo pang ipakita ng administrasyon na walang sinuman ang untouchable.
Naunang sinabi ni Clavano, na ang kaso ng Ombudsman laban kay Romuladez ay nagpapatuloy sa proseso ng pagpapatibay kaalinsabay ng mga bagong lumutang na testigo.
Kabilang diumano sa magpapalakas sa kaso ay ang magiging testimonya ni dating Public Works Secretary Manny Bonoan ukol sa pagpapatupad ng mga flood control projects, maging ng mga dating bodyguards ni dating Appropriations Committee Chairman Zaldy Co na ang mga testimonya ayon kay Clavano ay tumutugma sa mga ebidensyang nakalap na ng mga imbestigador.
Binanggit na rin ni Clavano sa mga nauna nitong pahayag na si Romualdez ang diumano’y “mastermind” sa malawakang anomalya sa flood control na ngayon ay iniimbestigahan.
“Dapat managot ang tunay na may pakana at umano’y ‘mastermind’ sa pinakamalaking corruption scandal sa kasaysayan ng ating bansa. Higit sa lahat, dapat maibalik ang perang ninakaw sa taong bayan. Panahon na ring patunayan ng administrasyon na hindi ito natitinag sa mga banta ni Romualedez, gaya ng, ‘I will not go down alone.”
Sa ganitong paraan ayon kay Tiangco ay mapatutunayan ng administrasyon na ang kampanya laban sa katiwalian ay patas at hindi para sa iilan lamang.
“Kung talagang walang kinalaman ang administrasyon sa mga katiwaliang ito, dapat mas pursigido rin itong papanagutin ang mga kakampi o maging kamag-anak na pinagsamantalahan umano ang kanilang pagiging malapit sa administrasyon upang nakawan ang mamamayan.”
Binigyang diin pa ni Tiangco na ang accountability ay hindi lamang humangga sa mga nasasangkot kungdi dapat papanagutin kung sinuman ang nagplano at nakinabang dito.
“The Filipino people deserve nothing less than equal justice under the law. Hindi pwedeng maliit na isda lang ang nakukulong at hindi makulong ang mastermind,” giit pa ni Tiangco. Meliza Maluntag