Mariing kinondena sa isang pahayag ang brutal na pananakit at pananaksak sa isang Grade 8 student ng Las Piñas National High School, kasabay ng panawagan na palakasin ang seguridad sa loob at paligid ng mga paaralan.
Binigyang-diin sa pahayag na walang batang Las Piñero ang dapat mabuhay sa takot o malagay sa panganib habang pumapasok o umuuwi mula sa paaralan.
Nanawagan din ito sa lokal na pamahalaan ng Las Piñas, mga paaralan, awtoridad, at buong komunidad na paigtingin ang koordinasyon ng mga paaralan, barangay, magulang, at law enforcement upang matiyak ang maagap na pagtugon sa anumang banta ng karahasan.
Ikinalungkot din sa pahayag na ang mga suspek ay pawang mga menor de edad at karamihan ay mga out-of-school youth.
“Sa halip na masangkot sa krimen, ang ating mga kabataan ay dapat nasa paaralan o nabibigyan ng pagkakataong makabalik sa pag-aaral at magkaroon ng maayos na direksyon sa buhay,” ayon sa pahayag.
Giit pa nito, nagsisilbing paalala ang insidente na kailangang palawakin ang mga programa para sa edukasyon, youth intervention, at mental health upang mabigyan ang mga kabataan ng tamang paggabay, suporta, at oportunidad na makaiwas sa karahasan.
Ipinagdasal din sa pahayag ang agarang at ganap na paggaling ng biktima, habang tiniyak na handang magbigay ng tulong sa pamilya nito sa abot ng makakaya.
Ayon pa sa pahayag, dapat magsilbing panawagan ang insidente upang pagtibayin ang sama-samang responsibilidad na tiyaking ligtas ang bawat mag-aaral, at panatilihing lugar ng karunungan, paghubog ng mabuting asal, at pag-asa ang mga paaralan — hindi ng karahasan at takot. RNT