Home NATIONWIDE Kampanya vs smuggling mas pinaigting pa ng BOC

Kampanya vs smuggling mas pinaigting pa ng BOC

2
0

MANILA — Nagdeklara ng mas pinaigting na kampanya laban sa smuggling ang Bureau of Customs (BOC) sa pagsisimula ng ikalawang taon ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno sa ahensya, kasabay ng mahigpit na pagpapatupad ng one-strike policy laban sa mga kawani na masasangkot sa katiwalian at iba pang iligal na gawain.

Ayon kay Nepomuceno, mananatiling pangunahing prayoridad ng BOC ang pagsugpo sa smuggling at paglilinis sa hanay ng mga tauhan nito. Aniya, magsisilbing babala sa mga smuggler ang sunod-sunod na pagkakasabat ng mga iligal na sigarilyong nagkakahalaga ng bilyong piso sa mga nagdaang operasyon ng ahensya.

Sinabi ng komisyoner na mas nagiging maparaan na ngayon ang mga smuggling syndicate upang makalusot sa batas sa adwana. Kabilang umano sa kanilang ginagamit na pamamaraan ang pagdaan sa mga pribadong pantalan at sasakyang pandagat upang maiwasan ang masusing inspeksyon ng mga awtoridad.

Dahil dito, inatasan ni Nepomuceno ang lahat ng collection districts ng BOC na paigtingin ang intelligence gathering, risk profiling, at enforcement operations. Inatasan din niya ang mga opisyal ng ahensya na higit pang palakasin ang koordinasyon sa Philippine Coast Guard, Philippine Navy, Philippine National Police, National Bureau of Investigation, mga lokal na pamahalaan, at iba pang law enforcement agencies.

Binigyang-diin din ng opisyal na kinakailangang maging mas mabilis, mas matalino, at mas organisado ang mga operasyon ng Customs upang makasabay sa nagbabagong taktika ng mga smuggler. Ayon sa kanya, mahalagang mapalawak ang intelligence-sharing at magkasanib na operasyon upang masugpo ang mga iligal na aktibidad sa mga pantalan at hangganan ng bansa.

Kasabay nito, tiniyak ni Nepomuceno na magpapatuloy ang modernisasyon at digital transformation ng BOC. Aniya, dapat sabay na isinusulong ang paggamit ng makabagong teknolohiya, intelligence-driven enforcement, at pagpapalakas ng kakayahan ng mga tauhan upang maging mas epektibo ang pagpapatupad ng mga reporma.

Muling iginiit ng komisyoner ang kanyang one-strike policy laban sa mga empleyadong mapatutunayang sangkot sa korapsyon, smuggling, o anumang gawaing sumisira sa integridad ng ahensya. Babala niya, maaari silang agad na matanggal o maalis sa kanilang puwesto kapag napatunayang lumabag sa mga patakaran.

Hinimok din ng BOC ang publiko na makibahagi sa kampanya laban sa smuggling sa pamamagitan ng platform na “Isumbong Kay Commissioner,” kung saan maaaring magsumite ng impormasyon ukol sa mga hinihinalang iligal na operasyon. Ayon sa ahensya, nananatili itong nakatuon sa pagprotekta sa mga hangganan ng bansa, pagpapadali ng lehitimong kalakalan, at pagtiyak na mapapanagot ang mga sangkot sa smuggling. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here