MANILA, Philippines – Dapat magbunga ng inklusibong pag-unlad na lilikha nang higit pang opurtunidad at mag-aangat sa mas maraming mahihirap na Pilipinas sa bagong kalagayang pang-ekonomiya ng Pilipinas – bilang upper-middle-income.
Inihayag ito ni Senate President Sherwin Gatchalian matapos malugod sa pag-angat ng World Bank sa Piliipnas sa katayuhang middle-income na magdudulot ng positibong galaw sa ekonomiya.
“Ang prayoridad ng pamahalaan ay dapat mapanatili ang inklusibong paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapabilis ng pagpapatayo ng mga imprastraktura at pagtiyak na ang mga benepisyo ay makakarating sa bawat Pilipino sa pamamagitan ng mga trabahong may mas mataas na pasahod, abot-kayang pangunahing bilihin, at mas malakas na social protection program. Walang Pilipino ang dapat maiwan sa pag-unlad,” ani Gatchalian.
Gayunpaman, ang bagong klasipikasyon ng bansa ay may katumbas na mga kapalit. Bilang isang upper-middle-income economy, maaaring unti-unting mawalan ang bansa ng access sa mga concessional loans mula sa mga multilateral na institusyong nagpapautang, habang ang ilang mga grant programs at development assistance ay maaaring tuluyang alisin.
Maaari ring kalaunan ay hindi na maging karapat-dapat ang bansa sa ilang preferential trade programs.
Dahil sa ganitong posibleng epekto, dapat maging mas maingat ang pamahalaan sa pamamahala ng pondo at tiyaking mas napapakinabangan nang maayos ang mga inuutang mula sa ibang bansa, diin ni Gatchalian.
“Ang pagiging upper-middle-income country ay isang mahalagang tagumpay para sa ating bansa, ngunit hindi ito dapat maging dahilan para maging kampante. Ito ay panibagong hamon upang tiyakin na ang pag-unlad ng ating ekonomiya ay tunay na nararamdaman ng bawat pamilyang Pilipino,” aniya. Ernie Reyes