Home NATIONWIDE DBM nangako na susunod sa SC ruling sa unprogrammed funds sa 2026...

DBM nangako na susunod sa SC ruling sa unprogrammed funds sa 2026 budget

1
0

MANILA, Philippines – SINABI ng Department of Budget and Management (DBM) na susunod ito sa direktiba ng Korte Suprema ukol sa unprogrammed appropriations (UA) sa 2026 national budget.

Sa isang kalatas, sinabi ng DBM na tatalima ito sa direktiba ng Korte Suprema habang patuloy na ipinatutupad ang mga probisyon ng 2026 General Appropriations Act (GAA) na hindi apektado ng kapasyahan, alinsunod sa Saligang Batas at iba pang mga naaangkop na batas.

“The DBM will observe the applicable Supreme Court directives concerning these provisions, without prejudice to the government’s right to seek reconsideration through appropriate judicial processes,” ang sinabi ng DBM.

“Unaffected provisions remain implementable, subject to their respective legal bases, funding conditions, and established budgetary procedures,” ayon pa rin sa departamento.

Sinabi pa ng DBM na ang pondong inilabas mula sa 2026 UA ay para lamang sa foreign-assisted projects, na may gabay ng hiwalay na funding rule na hindi ipinawalang-bisa ng Korte.

Matatandaang, sinabi Office of the Solicitor General (OSG) na iginagalang nito ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa unprogrammed appropriations sa mga pambansang badyet ng 2024, 2025 at 2026, ngunit hihiling ng paglilinaw sa ilang probisyon nito.

Ani Berberabe, tinatanggap ng OSG ang pangunahing pasya ng Korte Suprema na hindi labag sa Konstitusyon ang unprogrammed appropriations bilang mekanismo sa pagbabadyet.

“Iginagalang ng OSG ang desisyon at malugod nitong tinatanggap ang pangunahing pasya ng korte na ang unprogrammed appropriations, bilang isang mekanismo ng pagba-budget ay hindi labag sa Konstitusyon. It was ruled as not unconstitutional per se,” ayon kay Berberabe.

“Gayunpaman, hihilingin ng OSG ang paglilinaw at pagrepaso sa ilang bahagi ng desisyon lalo na sa mga limitasyon at guardrails na itinakda ng korte para sa paggamit ng kapangyarihan sa budget,” dagdag niya.

Sinabi ni Berberabe na mahalaga ang malinaw na mga panuntunan upang matiyak ang transparency, pananagutan at maingat na paggamit ng pondo ng bayan.

Dagdag pa ni Berberabe na kailangan ding matukoy kung aling mga panuntunan ang itinatakda ng Konstitusyon at kung alin ang saklaw ng kapangyarihan ng Kongreso at Ehekutibo. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here