Home NATIONWIDE DepEd nagbabala ng parusa vs estudyanteng magbabanta sa iskul, bomb jokers

DepEd nagbabala ng parusa vs estudyanteng magbabanta sa iskul, bomb jokers

3
0

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Education na papatawan ng kaukulang parusa ang mga estudyanteng mahuhuling nagpapakalat ng bomb jokes o pagbabanta sa mga paaralan, kasunod ng sunod-sunod na ulat ng bomb threats at prank calls ilang araw matapos ang pamamaril sa San Jose, Tacloban.

Ayon kay Roger Masapol, DepEd Assistant Secretary for Governance and Operations, seryoso ang kagawaran sa ganitong mga insidente dahil nagdudulot ito ng takot at pangamba sa mga paaralan.

“Siniseryoso natin ang lahat ng mga prank calls sa mga paaralan, ito po ay nagbibigay takot at pangamba sa mga paaralan natin,” ani Masapol sa panayam sa radyo nitong Linggo.

“Mayroon tayong ilang mga polisiya ng DepEd: ito po yung ensuring faith and motivating the environment na inisyu natin noong March 2026. Dito po nakasaad ang mga parusa sa mga magaaral na lalabag sa patakaran, kasama na dito ang paghahasik ng takot sa paaralan.”

Sinabi ni Masapol na ang mga estudyanteng mapatutunayang sangkot sa bomb threat o prank calls ay maaaring patawan ng exclusion mula sa kasalukuyan nilang paaralan, dahil kabilang ito sa third level offense.

“Itong bomb threat na ito, itong prank calls ay nasa third level po ng offense ng mga kabataan. Ang pinakamabigat na parusa dito ay exclusion. Ibig sabihin hindi na siya tatanggapin sa school ngayon at ituturn over sa awtoridad for intervention. Ire-refer natin sa DSWD kung minor o kaya sa PNP kung 18 and above,” aniya.

Nilinaw naman ni Masapol na ang exclusion ay hindi nangangahulugang tuluyan nang hindi makapag-aaral ang estudyante, dahil maaari pa rin itong mag-enroll sa ibang paaralan.

“‘Yung exclusion pwede pa naman siyang mag-enroll sa ibang paaralan… Exclusion lang siya sa school kung saan dati siyang pumapasok,” pagliliwanag ni Masapol.

“Aatagal na rin itong pinapaairal lalo na sa mga private school na mayroon expulsion. Sinisiguro nating magdadaan sa process.”

Binigyang-diin din ni Masapol ang responsibilidad ng mga magulang, lalo na kung menor de edad ang sangkot.

“Hindi lang nagtatapos ito dito, dapat involved din po ang mga magulang. Kung mga minor ito, malaki ang role ng parents sa pangangalaga ng mga anak. Imagine mo na lang kung anong klaseng epekto na maidudulot sa mga mag aaral ng bomb threat? ‘Yung iba halos ayaw nang pumasok dahil takot na takot na po.”

Ayon pa kay Masapol, kailangang mas maipaliwanag ang polisiya ng DepEd hanggang sa community level.

“Dapat i-roll out ng masinsinan pati sa community level para alam nila mayroon tayo nitong ganito sa ating kagawaran,” sabi niya.

Dagdag ni Masapol, pinalawak na rin ng DepEd ang monitoring at surveillance, kabilang sa social media, matapos ang insidente ng pamamaril sa Tacloban.

“Pinalawak natin ang pagmomonitor at ‘surveillance’ pati sa social media. Kung matatandaan n’yo doon sa Tacloban after nung mangyari sa San Jose may nasawata di ba dahil sa Facebook post through Sen. Bam (Aquino) ay inaksyunan agad at nasawata natin,” ani Masapol.

“Kung hindi estudyante ang gumagawa nito ay syempre irerefer natin sa PNP at NBI kung kinakailangan.” RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here