Home NATIONWIDE VP Sara pwede pa mag-resign bago magsimula impeachment trial – lawyers

VP Sara pwede pa mag-resign bago magsimula impeachment trial – lawyers

4
0

MANILA, Philippines – Maaari pang magbitiw sa puwesto si Vice President Sara Duterte bago magsimula ang kanyang impeachment trial ngayong Lunes, Hulyo 6, ayon kay Atty. Howard Calleja.

Sa ginanap na “Talakayang Bayan para sa Katotohanan at Pananagutan” ng Diocese of Baguio, sinabi ni Calleja na maaari pa ring magbitiw si Duterte kahit naipadala na sa Senado ang Articles of Impeachment, gaya ng ginawa nina dating Ombudsman Merceditas Gutierrez noong 2011 at dating Commission on Elections chairman Andres Bautista noong 2017.

Gayunman, iginiit ni Bayan Muna chairperson at abogado Neri Colmenares na hindi awtomatikong makaliligtas sa epekto ng impeachment ang isang opisyal kahit magbitiw ito sa puwesto.

Aniya, kapag naipasa na sa Senado ang Articles of Impeachment, maaari pa ring umusad ang usapin ng perpetual disqualification sa paghawak ng anumang pampublikong posisyon.

Ito na ang ikalawang impeachment complaint laban kay Duterte. Ang unang reklamo na inakyat sa Senado noong Pebrero ng nakaraang taon ay hindi natuloy matapos ibasura ng Korte Suprema dahil lumabag umano ito sa pagbabawal ng Konstitusyon sa higit sa isang impeachment proceeding sa loob ng isang taon.

Sinabi rin ni Calleja na mas naging maingat ang House of Representatives sa paghahanda ng kasalukuyang kaso at inilarawan ang mga ebidensiya ng House prosecutors bilang “rock solid.”

Kabilang sa mga alegasyon laban sa bise presidente ang umano’y maling paggamit ng confidential funds bilang bise presidente at kalihim ng Department of Education, hindi maipaliwanag na yaman, pagbabanta umano kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa kanyang pamilya, at umano’y panunuhol sa ilang opisyal ng DepEd.

Iginiit naman ni Colmenares na dapat ipaliwanag ni Duterte ang paggamit ng confidential funds, partikular ang umano’y paggastos ng P125 milyon sa loob lamang ng 11 araw.

Kinuwestiyon din niya ang iniulat na pagtaas ng net worth ni Duterte sa P88 bilyon noong 2024, na aniya’y hindi tugma sa deklaradong pagkalugi ng kanyang mga kumpanya at sa kinita nito bilang opisyal ng pamahalaan.

Tinalakay rin ng dalawang abogado ang kinakailangang bilang ng boto sa Senado para sa hatol sa impeachment.

Ayon kay Calleja, ang hinihingi ng Konstitusyon ay two-thirds vote ng mga senador na aktuwal na uupo bilang mga hukom sa impeachment court.

Samantala, sinabi ni Colmenares na ang pangunahing hamon ni Duterte ay ang makakuha ng sapat na boto para sa kanyang pagpapawalang-sala.

Aniya, mayroon na umanong limang senador na maaaring bumoto pabor sa kanya, ngunit kailangan pa nitong makabuo ng siyam na boto upang magkaroon ng sapat na suporta.

Binigyang-diin din ni Colmenares na muling naging sentro ng diskusyon ang paggamit ng confidential funds ng mga civilian government agency at mga lokal na pamahalaan.

Kinuwestiyon niya kung bakit kinakailangan pa ng confidential funds ng mga sibilyang ahensiya gayong ang intelligence at law enforcement functions ay saklaw na ng Philippine National Police, National Bureau of Investigation at Armed Forces of the Philippines.

Ayon sa kanya, umaabot sa P530 milyon ang taunang confidential funds ng Davao City, habang P80 milyon sa Pasay City, P120 milyon sa Maynila at P100 milyon sa Quezon City. Samantala, ibinaba na ng Makati City sa zero ang confidential funds nito noong 2024 at 2025 matapos ang mga batikos ng publiko. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here