Home NATIONWIDE Nasawi sa Venezuela quake umakyat sa 3,535; halos 18,000 homeless

Nasawi sa Venezuela quake umakyat sa 3,535; halos 18,000 homeless

3
0

CARACAS, Venezuela — Umakyat na sa 3,535 ang bilang ng mga nasawi sa magkasunod na lindol na tumama sa Venezuela, habang halos 18,000 katao ang nananatiling walang tirahan mahigit isang linggo matapos ang sakuna sa kabisera at mga karatig na coastal areas, ayon sa mga awtoridad nitong Lunes.

Sinabi ni top lawmaker Jorge Rodriguez na batay sa pinakahuling official tally, 16,740 ang nasugatan at 17,854 ang nawalan ng tirahan matapos ang mga lindol noong Hunyo 24, na may magnitude 7.2 at 7.5 at tumama sa loob lamang ng ilang segundo ang pagitan.

Ipinakita ng mga bagong datos ang lawak ng pinsala sa paligid ng Caracas at La Guaira, ang coastal area na pinakamatinding tinamaan ng sakuna, habang lumalakas ang batikos sa naging tugon ng pamahalaan.

Ayon sa social vice presidency ng Venezuela, hindi bababa sa 12,800 katao ang nanunuluyan sa 80 shelters sa Caracas at La Guaira.

Ipinagtanggol naman ni Acting President Delcy Rodriguez ang pagtugon ng pamahalaan sa gitna ng pagkadismaya ng ilang Venezuelans na nagsabing huli at kulang ang naging aksyon.

Sinabi niya na agad na ipinakalat ang security forces matapos ang mga lindol at inanunsyo ang pagbuo ng bagong military unit na tutugon sa mga susunod na emergency at disaster.

Sa La Guaira nitong Lunes, nakita ng Reuters witnesses ang mga truck at forensic workers na nagdadala ng mga kabaong, habang naghuhukay ang mga makina ng trenches sa isang open area na may mga puting krus kung saan inililibing ng mga awtoridad ang mga bangkay.

Makikita naman sa mga larawang inilathala ng Spanish newspaper El Pais na may ilang puntod na may pangalan at ang iba ay may numero lamang.

Sinabi ng United Nations na patuloy nitong pinapalawak ang aid operations sa koordinasyon ng pamahalaan sa Caracas.

“Some search and rescue teams remain deployed in the affected areas, while other specialized engineering teams and medical support continue to arrive,” pahayag ni U.N. spokesperson Stephane Dujarric sa mga mamamahayag nitong Lunes.

Ayon kay Dujarric, halos tapos na ang comprehensive needs assessment na magiging batayan ng updated response plan, bagama’t hindi niya sinabi kung kailan ito ilalabas.

Nagbibigay na rin ng serbisyo ang U.N. agencies sa tatlong camps at sinusuri pa ang iba pang lugar para sa pinalawak na suporta. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here