MANILA, Philippines — Humina ang super typhoon Bavi bago ang inaasahang pagpasok nito sa Philippine area of responsibility nitong Martes ng gabi o Miyerkoles ng madaling araw, ayon sa PAGASA.
Mula sa maximum sustained winds na 205 kph noong Lunes ng hapon, taglay na ngayon ng Bavi ang lakas ng hanging 185 kph malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 230 kph.
Ayon sa United States Joint Typhoon Warning Center sa Guam, humina ang bagyo dahil sa eyewall replacement cycle, kung saan napapalitan ng mas malawak na outer eyewall ang dating makitid na eyewall ng isang malakas na tropical cyclone.
Posible pang muling lumakas ang Bavi kapag natapos ang naturang cycle, ngunit maaaring hadlangan ito ng dry air na pumapasok sa core nito at ng malakas na vertical wind shear sa silangan ng bagyo.
Dakong alas-10 ng umaga nitong Martes, namataan ang Bavi sa layong 1,845 kilometro silangan ng Central Luzon at kumikilos pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 20 kph.
Sa oras na pumasok ito sa PAR, tatawagin itong Inday.
Ayon sa PAGASA, maaaring mapanatili ng Bavi ang lakas nito bilang super typhoon hanggang Huwebes, Hulyo 9, bago unti-unting humina habang kumikilos pahilagang-kanluran.
Hindi inaasahang tatama sa kalupaan ng Pilipinas ang bagyo ngunit maaari itong dumaan malapit sa Batanes sa Biyernes, Hulyo 10, bago lumabas ng PAR sa Sabado, Hulyo 11.
Posibleng magtaas ang PAGASA ng tropical cyclone wind signals sa hilaga at silangang bahagi ng Northern Luzon simula nitong Martes ng gabi, na may Signal No. 2 o 3 bilang pinakamataas na posibleng babala. Hindi rin inaalis ang posibilidad na magtaas ng wind signals sa silangang bahagi ng Southern Luzon at Visayas dahil umaabot hanggang 800 kilometro mula sa sentro ng bagyo ang malalakas nitong hangin.
Nagsimula na ring umiral ang southwest monsoon o Habagat sa kanlurang bahagi ng Mindanao at posibleng kumalat sa kanlurang bahagi ng Visayas at Luzon sa mga susunod na araw.
Ayon sa PAGASA, sisimulan ng Bavi na palakasin ang Habagat pagsapit ng Huwebes, na magdadala ng mahanging kondisyon at monsoon rains sa kanlurang bahagi ng bansa.
Maaaring makaranas ng malalakas na monsoon rains ang Zamboanga Peninsula, Negros Island Region, Western Visayas, MIMAROPA, Bicol Region, CALABARZON, Central Luzon, Ilocos Region, at Metro Manila mula Biyernes hanggang Linggo, na magpapataas sa panganib ng malawakang pagbaha at landslides dulot ng ulan.
Pinayuhan ang publiko na patuloy na subaybayan ang opisyal na weather updates dahil maaari pang magbago ang forecast. RNT