MANILA, Philippines — Maaaring bahagi ng legal strategy ng defense team ni Vice President Sara Duterte ang maikling paglitaw niya sa Senado sa ikalawang araw ng kaniyang impeachment trial, ayon kay former Far Eastern University law dean Mel Sta. Maria.
Dumating si Duterte sa Senado ilang oras bago muling nagpatuloy ang proceedings upang makipagpulong sa kaniyang mga abogado at maikling humarap sa media. Nauna nang sinabi ni defense spokesperson Atty. Michael Poa na hindi dadalo si Duterte sa pagdinig at nagtungo lamang sa Senado upang makipag-usap sa kaniyang defense team.
“Talagang the emotion [and] the temperature increased. Talagang may epekto talaga. Siguro pagdating niya doon siguro nalaman din ‘to ng mga husgado, no? Ano kaya, mananatili ba siya o hindi? Pero sabi niya hindi siya mananatili,” ani Sta. Maria sa panayam ng GMA News.
Ayon kay Sta. Maria, maaaring layunin ng paglitaw ni Duterte na kontrahin ang pananaw ng prosecution na ayaw niyang dumalo sa paglilitis o harapin ang mga alegasyon laban sa kaniya, matapos ang hindi pinayagang mosyon ng prosecution noong Lunes na ipa-arraign ang Bise Presidente.
“Yes, tingin ko part of the strategy—kasi kahapon nagmungkahi silang ipa-arraign si Vice President, pero hindi nga pinahintulutan. Pero tingin ko noon, strategy ‘yon ng prosecution para ma-maintain ‘yung perception na hindi siya uma-attend, ayaw niyang harapin,” ani Sta. Maria.
“Ngayon naman nakita ‘to ng defense—’Okay, ‘yun pala ang gusto nila, pa-attendin natin siya kahit na briefly,’” dagdag niya.
Inilarawan ni Sta. Maria ang galawan ng dalawang kampo bilang isang “chess match,” kung saan kapwa sinusubukang hubugin ng prosecution at defense ang pananaw ng publiko.
“So, talagang chess match e kasi meron silang mine-maintain na perception ‘yung dalawang panig. ‘Yung isang panig, ‘Ayaw niyang humarap sa mga accusers niya,’ ‘yung kabilang panig, ‘Anong ayaw humarap? Nandito ‘yan, pupunta ‘yan,’” ani Sta. Maria.
Sinabi rin niya na maaaring makaapekto ang pagpunta ni Duterte sa Senado sa pananaw ng ilang senator-judges sa impeachment case.
“May impact ‘yan in terms of sa mga [senator] judges. Baka isipin ng mga judges o kaya ‘yung mga pumaling na judges sa kabilang panig, ‘Okay mag-iisip pa ko ulit’ o baka to consolidate yung mga natitirang judges,” aniya.
Dagdag ni Sta. Maria, maaari ring magpadala ng mensahe ang paglitaw ni Duterte sa mga senator-judges na may pagdududa sa kaniya na hindi niya iniiwasan ang proseso.
“At para rin siyempre, eye-to-eye o malaman ng kabilang mga judges naman na medyo opposed sa kaniya na ‘I am not evading this, as a matter of fact this is a manifestation of my deference to the institution,’” ani Sta. Maria.
Inaasahang nakatuon ang ikalawang araw ng impeachment trial ni Duterte sa Article IV ng Articles of Impeachment, na tumatalakay sa umano’y grave threats at assassination plot laban kina President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at former House Speaker Martin Romualdez. RNT