MANILA, Philippines – Pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Super Typhoon Inday alas-3:00 ng madaling araw ng Miyerkules.
Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa:
-Batanes
-Cagayan kabilang ang Babuyan Islands
-Hilaga at gitnang Isabela
-Apayao
-Silangang Kalinga
-Hilagang Aurora
-Hilaga at gitnang Catanduanes
Maaaring maranasan ang malalakas na hangin sa mga lugar na ito sa loob ng susunod na 36 oras.
Bandang alas-4:00 ng umaga, huling namataan ang Inday 1,405 kilometro silangan ng Northern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hangin na 185 kph at pagbugsong hanggang 230 kph, habang kumikilos pakanluran sa bilis na 25 kph.
Inaasahang hihina ito bilang isang typhoon pagsapit ng Huwebes at lalabas ng PAR sa Sabado, Hulyo 11. Posible itong mag-landfall sa silangang bahagi ng China sa Linggo, Hulyo 12.
Bagama’t hindi inaasahang magla-landfall sa Pilipinas, maaari itong dumaan malapit sa Batanes sa Biyernes, kung saan inaasahan ang malalakas na hangin at malakas na ulan. Posibleng umabot hanggang Signal No. 2 o 3 ang pinakamataas na babala.
Palalakasin din ng Inday ang Habagat simula Huwebes, na magdadala ng malalakas na hangin at pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Mula Biyernes hanggang Linggo, inaasahan ang malalakas na ulang dulot ng Habagat sa Negros, Western Visayas, MIMAROPA, Bicol, CALABARZON, Metro Manila, Central Luzon, at Ilocos Region.
Nagbabala ang mga awtoridad sa posibilidad ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa, na maaaring magdulot ng malaking panganib sa buhay.
Pinapayuhan ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga update tungkol sa Super Typhoon Inday at Habagat at magsagawa ng kinakailangang paghahanda. RNT/MDS