Home NATIONWIDE “Premature closing statement” ng prosecutor, pinuna ni Escudero, Pia Cayetano

“Premature closing statement” ng prosecutor, pinuna ni Escudero, Pia Cayetano

4
0

MANILA, Philippines – Sa ikalawang araw ng paglilitis, tinalakay ng impeachment court ang Article IV ng impeachment complaint, na may kaugnayan sa umano’y assassination plot, grave threats, at inciting to sedition laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa kanyang pamilya.

Nagpatotoo ang NBI agent na si John Mark Calilung tungkol sa mga naging pahayag ni Duterte noong Oktubre at Nobyembre 2024, kabilang ang sinabi nitong nag-utos umano siya ng pagpatay kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez kung siya ay mapapatay.

Sa pagdinig, tinanong ni Senador Risa Hontiveros ang private prosecutor na si Amando Virgil Ligutan kung bakit maituturing na impeachable offense ang mga naturang pahayag ni Duterte.

Sumagot si Ligutan na hindi normal ang ginawa ng bise presidente at ito ang unang pagkakataon na may nakaupong vice president na nagsabi ng ganoong mga salita.

“Even without going into a question: ‘Is that a criminal act?’ That act, 110 percent sure, betrayed the public trust that the Vice President got in the previous elections,” aniya.

Dahil dito, sinabi ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na ang sagot ni Ligutan ay tila isa nang konklusyon sa kaso at kahalintulad ng closing argument, na hindi pa dapat gawin sa yugtong iyon ng paglilitis.

Sumang-ayon si Sen. Pia Cayetano at sinabing isa na itong “closing statement.” Hiniling niyang alisin ito sa opisyal na rekord ng pagdinig.

Ipinaubaya muna ni Escudero ang desisyon sa mosyon at sinabi na tatalakayin ito sa ibang pagkakataon.

Nilinaw naman ni Hontiveros na ang kanyang tanong ay tungkol lamang sa kahalagahan ng ebidensya sa impeachment complaint at hindi para hikayatin ang prosekusyon na magbigay ng closing argument. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here